Isang lalaki ang naaresto matapos umanong magpanggap na miyembro ng Philippine National Police (PNP) at tangkaing makuha ang isang sports utility vehicle (SUV) na ginagamit ng driver ng isang kongresista sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) Station 15 kamakailan, naganap ang insidente noong Hunyo 15 sa kahabaan ng Congressional Avenue. Pinara umano ng suspek ang sasakyan na minamaneho ni Fortunato Trazo, driver ni Surigao del Sur 2nd District Representative Alexander Ty Pimentel.
Nagpakilala umano ang suspek bilang isang pulis na may ranggong “Master Sergeant Hernandez” at inakusahan ang driver na lumabag sa batas-trapiko matapos umano itong dumaan sa pulang ilaw.
Sa halip na tanggapin ang lisensya at mga dokumento ng sasakyan, iginiit umano ng suspek na dapat kumpiskahin at impound ang SUV.
Sa gitna ng insidente, nakausap pa umano ng kongresista ang suspek sa pamamagitan ng telepono upang linawin ang sitwasyon.
Gayunman, nagpatuloy umano ito sa paggiit na isuko ang sasakyan sa kabila ng paliwanag na minor traffic violation lamang ang ipinapataw sa naturang paglabag.
Dahil sa kahina-hinalang kilos ng suspek, agad na nakipag-ugnayan ang kampo ni Pimentel sa mga awtoridad. Nagbanta rin umano ang mambabatas na iuulat ang insidente sa pamunuan ng PNP.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na ginagamit umano ng suspek ang modus na pagpapanggap bilang pulis upang parahin ang mga motorista, mag-imbento ng mga paglabag, at takutin ang mga biktima gamit ang isang replika ng baril upang mapilit silang magbigay ng pera o isuko ang kanilang mga sasakyan.
Kinumpirma naman ni Police Lt. Col. Bryan Pajarillo na ang suspek ay dating traffic enforcer na matagal nang hindi pumapasok sa trabaho matapos umanong mag-AWOL noong Abril. Dahil dito, wala umano itong awtoridad na magsagawa ng anumang operasyon o traffic enforcement activity.
Naaresto ang suspek matapos ang isang entrapment operation. Tinangka pa umano nitong tumakas ngunit agad din itong nahabol ng mga operatiba.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong attempted carnapping at grave coercion. Itinanggi naman nito ang mga paratang laban sa kaniya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.