July 15, 2026

Home SHOWBIZ Teleserye

Coco aminadong palaban; lahat ng umaway sa mga utol noon, binugbog!

Coco aminadong palaban; lahat ng umaway sa mga utol noon, binugbog!
Photo Courtesy: via MB

Sinariwa ni Kapamilya Primetime King Coco Martin ang panahon ng kabataan niya kung kailan siya nagsimulang maging palaban.

Sa latest episode kasi ng vlog ni brodcast-journalist Julius Babao kamakailan, dinalaw niya ang aktuwal na taping ng pinakabagong teleserye ni Coco sa primetime na “Sigabo.” 

Nadatnan niya sa set ang shooting ng bakbakan sa pagitan ni Coco at ni “It’s Showtime” host Jhong Hilario.

Matapos ito, pumunta na sila sa regular location ng “Sigabo” para simulan na ang panayam.

Sa isang bahagi ng vlog, nahagip sa kanilang kuwentuhan na suki raw si Coco ng mga away sa buong panahong siya ay nag-aaral. 

Teleserye

'Sigabo' ni Coco, binakbakan; ginamitan ng AI?

Aniya, “Mula kinder ako hanggang gumraduate ako ng college, walang lumagpas na linggo o buwan na hindi ako nakipag-away. Pero ang ikinaganda naman sa akin, hindi naman ako ‘yong lumaking siga na nantitrip-trip.”

“Dahil kahit maliit ako, kahit papaano may hitsura, nakukursunada naging palaban ako. Na hindi ‘yon alam ng mga tao. Kasi ‘pag nakita mo ngayon, sa liit ko ‘yong hitsura ko kotong-kotongan lang ako, e,” dugtong pa ni Coco.

Kaya naman naisasalin niya raw ang sarili sa mga ginagawa niyang karakter sa kaniyang mga teleserye.

“Hindi ako nahihirapang mag-experiment [at] bumuo. Kung ano ‘yong pagkatao ko, ba’t ako palaban, kahit sa liit kong ito ‘wag mo kong kakantiin kasi ganito ako. ‘Yon ‘yong ‘di alam ng ibang tao, ‘yong pinanggalingan ko,” lahad ni Coco.

Dagdag pa niya, “Sabi ko nga, kapag nagkukuwentuhan kami, lahat ng mga kapatid ko, mga pinsan ko, lahat ng mga umaway sa kanila, lahat ‘yon binugbog ko.”

Ayon sa Kapamilya Primetime King, namana raw niya ang pagiging palaban sa kaniyang ama na noong minsan umanong may namaril sa bahay nila ay pinagtataga ng katana ang lalaki.

Samantala, nakatakda nang umere ang “Sigabo” sa telebisyon at online platforms sa darating na Lunes, Hunyo 22, 8 p.m. Makaksama rito ni Coco ang partner niyang si Julia Montes bilang leading lady.