Diretsahang sinagot ni Senate President (SP) Sherwin Gatchalian ang katanungan ukol sa pagiging kumpiyansa niyang mananatili sa ilalim niya ang liderato ng Senado hanggang sa taong 2028.
Kasunod ito ng pagkakahalal sa kaniya bilang bagong SP noong Miyerkules, Hunyo 17, kasabay ang Congress special session na ipinatawag mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Kakaupo ko pa lang, ‘yan kaagad ‘yong tanong n’yo,” tahasang sagot ni SP Gatchalian sa kaniyang press briefing nitong Huwebes, Hunyo 18.
Aniya, “Ako naman, honestly, I serve at the pleasure of our colleagues. Hindi naman ako kumbaga nasa kanila ‘yon, sa mga colleagues natin.”
“Kilala n’yo naman ako, whether Senate President or not, I will work for the Filipino people,” dagdag pa niya.
Iginiit niya rin ang aniya’y kagustuhan ng mga kapwa niya mambabatas na bumalik na sa pagtatrabaho, matapos ang sunod-sunod na isyung kinaharap ng Senado.
“Ako, ang sentimento na nakukuha ko sa ating mga kasamahan, gusto na rin nilang bumalik sa trabaho e. Stressful ‘yong nangyari sa lahat e, hindi lang naman sa akin or sa iilan na senator—lahat na-stress, e ‘no,” aniya.
Giit niya, “So, they wanna go back to the regular program and which is legislation, debate, resolutions—’di kami magkaka-agree on many things, we will not have the same position on many things pero ang posisyon namin is certain na lahat kami gusto namin magtrabaho na.”
“Hindi man kami mag-agree on certain bills and resolution, but at least napagdebatehan na natin at napag-usapan natin,” ani SP Gatchalian.
Matatandaang si SP Gatchalian ang ikalimang naging Senate President sa ilalim ng administrasyon ni PBBM, at pang-apat naman sa 20th Congress.