Nagpahayag ng kaniyang kagalakan si Sen. Loren Legarda matapos makapasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado ang panukalang-batas niya na nagdedeklarang pambansang orkidya ng Pilipinas ang bulaklak na "waling-waling."
Ayon sa senadora na siyang may-akda at sponsor ng panukala, layunin nitong mabigyan ng mas matibay na proteksyon ang waling-waling, na itinuturing na isa sa pinakamagaganda at pinakabihirang orkidyas sa buong mundo.
"Ikinagagalak ko na pasado na sa third reading ang panukalang nagdedeklara sa Waling-waling (Vanda sanderiana) bilang Pambansang Orkidya ng Pilipinas, na aking iniakda at inisponsoran," aniya, sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Hunyo 17.
Binigyang-diin ng senadora na ang waling-waling ay isang katutubong halaman na matatagpuan lamang sa Pilipinas at sumasalamin sa likas na ganda, yaman, at natatanging pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Gayunman, nanganganib umano itong tuluyang mawala dahil sa pagkakalbo ng kagubatan at pagkasira ng natural nitong tirahan.
Sa ilalim ng panukala, pangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatupad ng mga programa para sa konserbasyon, proteksyon, at pagpaparami ng Waling-waling upang matiyak ang patuloy nitong pag-iral sa bansa.
Samantala, ang National Museum of the Philippines naman ang inaasahang mangangasiwa sa dokumentasyon at pagsusulong ng kahalagahang siyentipiko, pangkultura, at pangmana ng nasabing halaman.
Ayon sa senador, ang pag-apruba ng Senado sa panukala ay isang mahalagang hakbang upang mapreserba ang isa sa pinakamahalagang likas na yaman ng bansa at maipamana ito sa mga susunod na henerasyon.
Kapag tuluyang naisabatas, ang waling-waling ay magiging opisyal na Pambansang Orkidya ng Pilipinas, bilang pagkilala sa natatangi nitong ambag sa likas na yaman at biodiversity ng bansa.
"Ang pagkakapasa ng panukala sa Senado ay isang mahalagang hakbang upang mapanatili ang isa sa mga pinakanatatanging likas na yaman ng ating bansa para sa susunod na henerasyon," saad pa ng senadora.