Nilinaw ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na ang ipinataw na 90-araw na suspensyon kay Sen. Jinggoy Estrada ay sumasaklaw hindi lamang sa kaniyang tungkulin bilang senador kundi maging sa kanyang papel bilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gatchalian, lahat ng kapangyarihan at responsibilidad na kaakibat ng pagiging senador ay pansamantalang nawawala habang umiiral ang suspensyon.
“From what I understand, if you are suspended as a senator, being a senator-judge is also included. So the suspension is to the senator and it carries with it all the responsibilities as a senator, including becoming a senator-judge,” ani Gatchalian sa media nitong Huwebes, Hunyo 18, 2026.
Dagdag pa niya, hindi na bago ang ganitong sitwasyon dahil may mga naunang kaso na rin ng pagsuspinde sa mga senador habang nakaupo sa pwesto.
“This 90-day suspension is not new. This has happened in the past with other senators. So the practice in the past, and the legal practice in the past, that is what we will follow,” dagdag niya.
Noong Hunyo 16, nagpalabas ang Sandiganbayan ng preventive suspension laban kay Estrada kaugnay ng nakabinbing kasong graft sa Second Division ng anti-graft court.
Nahaharap din ang senador sa kasong plunder at isa pang graft case na may kaugnayan umano sa kontrobersiya sa flood control projects.
Batay sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kinakailangang masuspinde ang isang incumbent public official habang nililitis sa kasong graft.
Sa kautusan ng Sandiganbayan, nakasaad na suspendido si Estrada bilang senador at sa iba pang pampublikong posisyon na maaaring hawak niya sa kasalukuyan o sa hinaharap sa loob ng 90 araw.
Samantala, tinalakay rin ni Gatchalian ang usapin kung dapat bang baguhin ang bilang ng boto na kailangan upang magkaroon ng hatol sa impeachment trial dahil sa pagkawala ng dalawang senador sa proseso.
Ayon sa kaniya, mananatiling susundin ng Senado ang malinaw na probisyon ng Konstitusyon hinggil sa kinakailangang bilang ng boto para sa conviction.
“In my opinion, we have to follow the Constitution…. Two-thirds of all members [are required to convict]. The Constitution is very clear,” anang Senate President.
Sa ilalim ng Artikulo XI, Seksyon 6 ng 1987 Constitution, kinakailangan ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado upang mahatulan ang isang opisyal sa impeachment proceedings.