July 23, 2026

Home BALITA

Lalaking nagpapakilalang 'Spider-man,' todas nang mahulog sa bunganga ng bulkan!

Lalaking nagpapakilalang 'Spider-man,' todas nang mahulog sa bunganga ng bulkan!
Photo courtesy: via AP News

Nasawi ang isang lalaking nagpapakilalang “Spider-man” matapos mahulog sa loob ng isang volcanic crater habang umaakyat sa matarik na batuhan nang walang anumang safety equipment.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Al-Qaqa Ibn Antar, o mas kilala sa bansag na “Spider-man of Yemen,” 30-anyos.

Ayon sa Civil Defense Authority ng Yemen, naganap ang insidente noong Martes, Hunyo 17, 2026,  sa Hardah Dam volcanic crater sa lalawigan ng Dhale. Habang inaakyat ni Antar ang halos patayong pader ng bunganga ng bulkan, nawalan umano siya ng kapit at tuluyang nahulog sa loob ng crater na may lalim na humigit-kumulang 120 metro.

Agad na nagsagawa ng search and retrieval operation ang mga rescue team, kabilang ang mga diver at water specialists. 

Matapos ang halos apat na oras na operasyon, natagpuan ang katawan ni Antar sa lalim na tinatayang 30 metro sa ilalim ng tubig sa loob ng crater.

Metro

QC, magpapatupad ng ‘liquor ban’ sa SONA

Inilarawan ng Civil Defense Authority ang operasyon bilang mahirap at masalimuot dahil sa matarik at mabatong lokasyon ng lugar na nagpahirap sa paglapit ng mga rescuer.

Bago ang insidente, nakilala si Antar sa internet dahil sa kaniyang mga video na nagpapakita ng pag-akyat sa mga delikadong bangin at matataas na batuhan nang hindi gumagamit ng harness o iba pang safety equipment. Marami sa kaniyang mga video ang naging viral sa social media.

Ang Hardah Dam, na kilala rin bilang Haradhat Damt, ay isang tanyag na volcanic crater malapit sa lungsod ng Damt. Kilala ito sa matatarik nitong pader at sa mainit na lawa na may sulfur sa ilalim ng bunganga.

Kasunod ng trahedya, nagpaalala ang Civil Defense Authority sa mga mahilig sa adventure sports at rock climbing na sundin ang mga panuntunan sa kaligtasan.

Nanawagan din ang ahensya sa publiko na gumamit ng wastong protective gear upang maiwasan ang mga kahalintulad na aksidente sa hinaharap.