Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) noong Miyerkules, Hunyo 17, na umabot na sa 10,446 na mga Pilipino ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa sa Gitnang Silangan.
Kasabay ito ng patuloy na repatriation program ng pamahalaan para sa mga Pinoy sa ibayong dagat; sa pangunguna ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Sa pinakahuling datos na ibinahagi ng DMW, binubuo ang 10,446 na mga Pinoy ng pinagsamang bilang ng 8,281 Overseas Filipino Workers (OFWs), 1,803 dependents, at 362 stranded Filipinos sa naturang rehiyon.
Maliban pa rito, naipamahagi na rin ng DMW at OWWA ang ilang onsite services para sa mga nabanggit na repatriated Filipinos gaya ng food assistance (24,588), transport assistance (7,708), shelter assistance (2,502), at medical assistance (2,460).
Anang DMW, tinitiyak nila ang patuloy na pagpapaigting ng kanilang mga tulong para sa mga Pinoy sa ibang bansa tulad ng repatriation, welfare, at reintegration programs.