July 19, 2026

Home BALITA Probinsya

Babaeng bumili lang ng meryenda, patay matapos tamaan ng kidlat!

Babaeng bumili lang ng meryenda, patay matapos tamaan ng kidlat!
Phoyo courtesy: Unsplash

Nasawi ang isang 27-anyos na babae matapos tamaan ng kidlat habang naglalakad sa isang bukirin kasama ang kaniyang anak sa gitna ng biglaang pagkulog at pagkidlat sa Alcala, Pangasinan.

Kinilala ang biktima na si Estila Lopez, residente ng Barangay Laoac. Naganap ang insidente habang pauwi siya matapos bumili ng meryenda.

Batay sa paunang imbestigasyon, dumaan ang biktima at ang kaniyang tatlong taong gulang na anak sa gitnang bahagi ng bukirin bilang shortcut pauwi, nang bigla umanong bumuhos ang malakas na ulan. Ilang sandali lamang ay tinamaan ng kidlat ang babae.

Sa kabila ng insidente, ligtas at hindi nasugatan ang kaniyang anak na kasama niya nang mangyari ang trahedya.

Agad na rumesponde sa lugar ang mga pulis at municipal health personnel. Gayunman, idineklara nang wala nang buhay ang biktima pagdating ng mga awtoridad.

Probinsya

Most wanted na Chinese ex-POGO employee, tiklo!

Ayon sa pulisya, mas mataas ang panganib na tamaan ng kidlat ang mga taong nasa malalawak at bukas na lugar kapag may thunderstorm, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Dahil sa insidente, muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na umiwas sa mga bukas na espasyo kapag may pagkulog at pagkidlat. 

Pinayuhan din ang mga residente na manatili sa loob ng matibay na gusali, umiwas sa mga puno, poste, linya ng kuryente, anyong tubig at paggamit ng mga kagamitang de-kuryente habang may sama ng panahon.

Naulila ng biktima ang kaniyang tatlo pang anak. Sa kasalukuyan, humihingi ng tulong ang kaniyang pamilya upang matustusan ang mga gastusin kaugnay ng kaniyang pagpanaw.