Nasawi ang isang ginang habang sugatan naman ang mister niya matapos silang paputukan ng Philippine Army 88th Infantry Battalion (88IB) dahil umano sa maling akala sa Malaybalay City, Bukidnon noong Lunes, Hunyo 15, 2026.
Ayon sa mga ulat, nangyari ang insidente sa Sitio Mahayag, isang bulubunduking bahagi ng Bukidnon kung saan nagsasagawa umano ng security operations ang tropa ng militar.
Batay sa pahayag ni Lt. Col. Arnold Bautista, nakasalubong ng 88IB ang mag-asawang biktima at agad nila itong pinaghinalaang may dalang M14 rifle kung kaya't inakala umano nilang miyembro sila ng makakaliwang grupo.
Saad pa ni Bautista, sinubukan pa raw tukuyin ng tropa ng militar ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima subalit bigla raw tumakbo ang mga ito.
Inakala din umano nilang may dalang .22-caliber rifle ang lalaking biktima na nagbalak umanong makipagpalitan ng putok sa kanila, dahilan upang unahan nila itong makipagbarilan.
Dead on the spot ang ginang habang naitakbo naman sa ospital ang kaniyang mister na kasalukuyan nang nagpapagaling sa ospital.
Lumalabas sa imbestigasyon na nangangahoy umano ang mag-asawang biktima upang ibenta sana ang mga ito para may maipambili ng mga school supplies ng kanilang anak.
Samantala, inihayag naman ni Bautista na walong sundalo ang isinailalim nila sa kanilang kustodiya habang gumugulong ang imbestigasyon sa naturang insidente.
Pagsisiguro pa ni Bautista, "If the investigation establishes that military protocols were violated, the soldiers directly involved may face appropriate charges."
Inako na rin ng tropa ng militar ang responsibilidad sa pagpapalibing ng mag-asawang biktima.
"We deeply regret what happened and will do everything possible to help the family affected by this tragedy," saad pa ni Bautista.