Sinuong ng isang Taiwanese indigenous group ang malalakas na alon mula sa Orchid Island, Taiwan, upang makatungtong sa Batanes Islands sa Pilipinas, upang muling daanan ang ruta ng kanilang mga ninuno higit 300 taon na ang nakararaan.
Ayon sa mga ulat ng international media, ang grupong Tao, ay mayroong malapit na etnisidad, kultura, at wika sa indigenous group na Ivatan, na naninirahan sa mga isla ng Batanes.
Ang grupong Tao ay lumayag lulan ng “The Golden Friendship” o “Ovayan” noong Lunes, Hunyo 15 at nakatakdang makarating sa Batanes ngayong Martes, Hunyo 16.
Saad pa sa mga ulat, ang Ovayan ay nakumpleto noong Marso, matapos ang 18 na buwang pagbuo ng Council of Indigenous Peoples of the Executive Yuan, Indigenous Peoples Cultural Foundation, at tribong Tao.
Isinagawa ang trial na paglalayag ng Ovayan noong Abril 28, habang ang tradisyunal na launching ceremony naman ay noong Hunyo 9.
Ibinahagi rin ng foundation sa media na mayroong 80% pagkakahawig ang wika ng mga Tao sa mga Ivatan, at layon ng paglalayag na ito na pagtibayin ang kultural na pamanang ito ng dalawang komunidad.
Sa nasabi ring paglalayag, mayroong 60 crew members na naka-rotating shifts sa pagsasagwan sa higit 100 nautical miles mula Bashi Channel at Kuroshio Current hanggang isla ng Batan.