July 23, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Myrtle Sarrosa nanakawan ng CP sa ToyCon; kawatan, dedma sa ₱30k, mas malaki pa hinihingi!

Myrtle Sarrosa nanakawan ng CP sa ToyCon; kawatan, dedma sa ₱30k, mas malaki pa hinihingi!
Photo courtesy: Myrtle Sarrosa (FB/IG)

Nagbahagi ng nakakabahalang karanasan at updates ang cosplayer, gamer, streamer, at Kapuso actress na si Myrtle Sarrosa matapos manakaw ang kaniyang cellphone sa ginanap na ToyCon sa SMX Convention Center sa Pasay City mula Hunyo 12 hanggang Hunyo 14,

Sa kaniyang mahabang social media post, ikinuwento ni Myrtle na naging tila pelikula ang naging paghahanap nila sa nawawalang cellphone matapos itong nakawin habang abala siyang nakikisalamuha sa mga tagahangang dumalo sa convention.

Bago pa man talakayin ang kaniyang sariling karanasan, ibinunyag muna ni Myrtle na isa pang international cosplayer mula Indonesia na si Nekonoikasu ang nawalan din umano ng cellphone sa parehong event.

Dahil dito, napaisip umano siya kung sinasadya bang targetin ang mga guest at cosplayer sa mga convention.

“I’m starting to wonder if guests and cosplayers are specifically being targeted,” ani Myrtle.

Tsika at Intriga

Freedom of expression, karapatan niya! Pokwang, Meryll dinepensahan si Joshua

Ayon sa kaniya, 5:00 ng hapon na niya napansing nawawala ang kaniyang cellphone dahil abala siya sa pakikipag-ugnayan sa mga dumalo sa event.

Agad naman umano siyang tinulungan ng event staff matapos i-report ang insidente. Ngunit nang makarating ang kaniyang team sa SMX concierge, ikasiyam na umano sila sa pila ng mga nagre-report ng mga nawawalang gamit.

Dahil sa matinding pag-aalala, agad na tinulungan siya ng kaniyang kapatid upang ma-activate ang emergency lock at tracking feature ng cellphone.

Laking gulat nila nang makita sa tracker na nasa paligid na ito ng Ever Gotesco sa Commonwealth, Quezon City.

Kahit kagagaling lamang umano sa ospital, sumama pa rin ang kaniyang ama upang tulungan siyang hanapin ang nawawalang gadget.

Mula sa SM MOA, agad silang nagtungo sa Commonwealth, kung saan si Myrtle ay nakasuot pa rin ng kaniyang cosplay costume bilang karakter na si Chandra.

Sa isang punto, sinubukan nilang tawagan ang cellphone at may babaeng sumagot umano ng “Hello” bago agad na pinutol ang tawag.

Ilang minuto lamang ang lumipas ay nagsimulang gumalaw ang lokasyon ng cellphone sa tracker.

Dito na nagsimula ang tila habulan sa kalsada habang sinusundan nila ang lokasyon ng device sa Commonwealth, Fairview, at Mindanao Avenue, hanggang sa makarating na sa SM Fairview.

“For over an hour, hinahabol namin sila,” ani Myrtle.

May mga pagkakataon pa umanong ilang sasakyan na lamang ang pagitan nila sa taong may hawak ng cellphone.

Nang bumalik ang tracker sa paligid ng Ever Gotesco, humingi sila ng tulong sa security personnel ng mall dahil inakala nilang mababawi na nila ang gadget.

Ngunit nang gamitin nila ang ring feature ng cellphone, tuluyan na itong pinatay.

“The phone suddenly went offline,” aniya.

Bukod sa halaga ng gadget, mas ikinalungkot umano ni Myrtle ang mga alaalang nakaimbak dito.

Ibinahagi niyang hindi niya pa naibaback-up ang daan-daang gigabytes ng files, kabilang na ang ilan sa kanyang huling mga alaala kasama ang kanyang lola na kamakailan lamang ay pumanaw.

Ayon pa sa content creator, nagkaroon muli sila ng komunikasyon sa taong may hawak ng cellphone matapos itong mag-reply sa kanilang mensahe.

Sa simula ay umasa siyang maibabalik na ang kanyang device, ngunit kalaunan ay tila iba na umano ang direksyon ng usapan.

"My phone got stolen during Toycon and apparently the person doesn't want the ₱30,000 reward anymore... they are asking for more," pagbabahagi ni Myrtle.

“But let’s just say… it doesn’t feel like the goal is simply returning the phone anymore. Right now, it feels like the goal is to get more money,” saad niya.

Hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye si Myrtle dahil umaasa pa rin siyang magpapatuloy ang komunikasyon at maibabalik ang kanyang cellphone.

Sa kabila nito, sinabi niyang bukas pa rin siyang ibigay ang reward kung tunay na layunin ng taong may hawak nito ang pagsasauli ng kaniyang gamit.

Samantala, nagpasalamat si Myrtle sa isang brand ng cellphone dahil sa pagpapahiram sa kaniya ng pansamantalang cellphone upang muli siyang makapag-stream at makapagtrabaho.

Nagpasalamat din siya sa ToyCon organizers, Mana staff, marshals, SMX security team, at mga pulis na tumulong sa paghahanap ng kanyang cellphone.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat sisihin ang mga tumutulong sa pagresolba ng insidente.

“The fault lies with the people stealing, not with those doing their best to assist,” pagtatapos niya.