Kinikilala ngayon ng basketball community si New York Knicks player Jordan Clarkson bilang kauna-unahang Filipino-American na nagkampeon sa National Basketball Association (NBA).
Ito ay matapos pangunahan ng New York Knicks ang pagtatapos sa kanilang 53 taong paghihintay sa titulo sa pamamagitan ng 94-90 panalo kontra San Antonio Spurs sa Game 5 ng NBA Finals. Naitala ng Knicks ang 4-1 panalo sa serye at nasungkit ang kanilang unang kampeonato mula noong 1973.
Muling ipinakita ng Knicks ang kanilang katatagan matapos makabangon mula sa 16 puntos na pagkakaiwan upang makumpleto ang isa na namang come-from-behind victory sa serye.
Sa apat nilang panalo sa Finals, lahat ay nagmula sa paghabol mula sa double-digit deficits.
Pinangunahan ni Jalen Brunson ang New York sa pamamagitan ng 45 puntos, kabilang ang sunod-sunod na mahahalagang basket sa fourth quarter. Dahil dito, tinanghal siyang NBA Finals Most Valuable Player (MVP).
Bagama’t dalawang puntos lamang ang naitala ni Clarkson sa loob ng anim na minutong paglalaro sa Game 5, naging mahalagang bahagi siya ng koponan bilang beteranong lider mula sa bench.
Ang 34-anyos na guard ay may dugong Pilipino mula sa kaniyang ina na si Annette Davis, na ipinanganak at lumaki sa Angeles City, Pampanga.
Ito ang unang NBA championship ni Clarkson matapos mabigong makuha ang titulo noong 2018 nang makarating siya sa Finals kasama ang Cleveland Cavaliers.
Nakilala rin siya bilang NBA Sixth Man of the Year noong 2021 habang naglalaro para sa Utah Jazz at naging bahagi ng NBA All-Rookie First Team noong 2014.
Samantala, nabigo namang makuha ni Filipino-American rookie Dylan Harper ang kaniyang unang kampeonato sa NBA matapos yumuko ang Spurs sa serye. Si Harper, na may dugong Pilipino sa panig ng kaniyang inang si Maria Pizarro na tubong Bataan, ay nagtala ng 25 puntos, limang rebounds at apat na assists sa Game 5 ngunit hindi ito naging sapat upang mapahaba pa ang Finals.
Sa kabila ng kanilang pagkatalo, itinuturing na malaking hakbang sa karera ni Harper ang kaniyang naging kampanya sa kaniyang rookie season matapos mapili bilang ikalawang overall pick sa NBA Draft.
Ang kampeonato ni Clarkson ay itinuturing na makasaysayan para sa komunidad ng mga Filipino-American, dahil siya ang unang manlalarong may lahing Pilipino na nakapag-uwi ng Larry O’Brien Trophy bilang NBA champion.