Arestado ang isang 37-anyos na babae matapos ang umano’y pagnanakaw nito ng corporate funds na aabot sa humigit-kumulang ₱38.14 milyon.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP) noong Sabado, Hunyo 13, natiklo ang suspek sa isinagawang law enforcement operation sa Maryland Street, Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon City, sa pamamagitan ng inisyung warrant of arrest ng korte laban sa kaniya.
Batay sa paunang imbestigasyon, napag-alamang nilimas umano ng suspek ang ₱38.14 milyong pondo, sa pamamagitan ng mga ilegal na transaksyon na ikinasa mula Enero 2023 hanggang Oktubre 2023.
Nabigyan kasi ito ng posisyon kung saan nagkaroon siya ng “access” sa company finances.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng kustodiya ng awtoridad ang suspek para sa tamang disposisyon at wastong dokumentasyon.
Posible siyang humarap sa kasong Qualified Theft, sa ilalim ng Article 310 in relation to Article 308 of the Revised Penal Code (RPC).
Walang piyansang inirerekomenda para sa naturang kaso.
Ayon pa sa PNP, nakatala ang suspek bilang Rank No. 3 Regional Most Wanted Person (MWP) sa National Capital Region (NCR).