Posibleng may malaking papel ang paglaganap ng smartphone sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga ipinapanganak sa Estados Unidos at iba pang bahagi ng mundo, ayon sa dalawang magkahiwalay na pag-aaral na inilabas kamakailan.
Sa isang pag-aaral na inilathala ng National Bureau of Economic Research, sinuri ng mga ekonomista ang matinding pagbaba ng fertility rate mula noong 2007. Bagama’t matagal nang iniuugnay ang pagbabang ito sa pandaigdigang krisis pinansyal noong 2008, napansin ng mga mananaliksik na hindi na muling tumaas ang bilang ng mga kapanganakan kahit bumuti na ang kalagayan ng ekonomiya.
Lumabas sa kanilang pagsusuri na may kaugnayan ang mas madaling access sa smartphone sa pagbaba ng bilang ng mga kapanganakan, partikular sa mga kabataang edad 15 hanggang 24. Naitala rin ang mas maliit ngunit makabuluhang pagbaba sa mas matatandang kababaihan.
Ayon sa pag-aaral, hindi man smartphone lamang ang dahilan ng pagbaba ng fertility rate, malaki ang naging impluwensya nito sa pagbabago ng asal at pakikisalamuha ng mga tao.
“As modern smartphones diffused, time spent with friends in person and sexual activity fell sharply alongside rising consumption of pornography, a possible substitute for partnered sex,” ayon sa mga mananaliksik.
Samantala, isang hiwalay na pag-aaral mula sa mga ekonomista ng University of Cincinnati ang nagsuri ng datos mula sa 128 bansa gamit ang impormasyon ng World Bank hinggil sa smartphone penetration at teenage fertility rates.
Natuklasan din nila na bumilis ang pagbaba ng birth rates nang maging laganap ang paggamit ng smartphone sa iba't ibang bansa, anuman ang pagkakaiba ng kanilang sistema ng kalusugan, ekonomiya, kultura, at social welfare programs.
Tinukoy ng mga mananaliksik ang naturang pangyayari bilang isang “common global technology shock” na maaaring nakaapekto sa pag-uugali at pamumuhay ng mga tao sa buong mundo.
Gayunman, may ilang eksperto na nananatiling nagdududa sa direktang kaugnayan ng smartphone at pagbaba ng fertility rate. Itinuturo nilang nagsimula nang bumaba ang bilang ng teenage births sa Estados Unidos pa lamang noong dekada 1990, bago pa man naimbento ang smartphone.
Sa ngayon, hindi pa tinatalakay ng mga pag-aaral kung paano maaaring gamitin ng mga pamahalaan ang naturang mga natuklasan sa pagharap sa lumalalang problema ng mababang birth rate sa maraming bansa.