Inanunsyo mismo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na magbibigay ang Office of the President (OP) ng tig-₱50,000 para sa bawat pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na nagpayanig sa ilang mga lugar sa Mindanao noong Lunes, Hunyo 8, partikular sa Sarangani.
Sa personal na pagdalaw ni PBBM sa General Santos High School, na iniulat din ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ng Pangulo na magkakaroon ng ₱50,000 immediate cash assistance para sa bawat pamilyang may casualties, biktima, o namatay dahil sa naranasang lubhang malakas na lindol.
"Lahat ng pamilya na mayroon silang casualty, nabiktima, nasawi ay magbibigay tayo ng tigfi-50,000 (pesos) para sa kanila, para tulong doon sa kanila," saad ni PBBM.
Sinabi rin ng Pangulo na nakapagbigay na ang tanggapan ng ₱100 milyon mula sa Local Government Support Fund (LGSF), para sa pagpapakumpuni ng General Santos City Hall, na nasa mayor daw ng lungsod na si Mayor Lorelie Geronimo Pacquiao.
Personal ding ininspeksyon ni PBBM ang paaralan na lubhang naapektuhan ng pagyanig.
"Sa ngayon, mayroong obvious na nakita na mga sira. Pero kailangan pa rin nating tiyakin na safe. Kaya’t ‘yong mga engineer ay papasok na para i-assess kung ano ba ‘yong parte ng building na puwede pang gamitin, ano ‘yong hindi na talaga puwede, kailangan pabagsakin ‘yong buong building. Mabigyan tayo ng impormasyon tungkol diyan," anang Pangulo.
Dagdag pa ng Pangulo, "Ang DBM naman (Department of Budget and Management) ay magbibigay ng pondo, mula na naman sa LGSF, para sa imprastruktura sa Sarangani Province at saka sa South Cotabato. At mayroon ding damage doon. Pero dito talaga ang pinaka — Sarangani is really the hardest hit."