July 23, 2026

Home BALITA Probinsya

Nanay na bibisita sa anak na nagpapa-rehab, nahulihan ng shabu sa loob ng bra!

Nanay na bibisita sa anak na nagpapa-rehab, nahulihan ng shabu sa loob ng bra!
Photo courtesy: Unsplash

Isang 51-anyos na babae ang inaresto matapos umanong makuhanan ng hinihinalang shabu habang bumibisita sa kaniyang anak na sumasailalim sa rehabilitasyon sa isang pasilidad sa Barangay Kalunasan, Cebu City.

Nangyari ang insidente sa Operation Second Chance, isang rehabilitation facility kung saan kasalukuyang nagpapagamot ang 16-anyos na anak ng suspek.

Ayon sa mga awtoridad, nadiskubre ang hinihinalang ilegal na droga sa isinagawang routine inspection sa mga bisitang papasok sa pasilidad. 

Natagpuan umano ang isang pakete ng hinihinalang shabu na nakatago sa kaliwang bahagi ng bra ng babae.

Sa panayam ng media sa suspek, mariin niyang itinanggi na para sa kaniyang anak ang nakumpiskang droga.

Probinsya

Lalaking umiihi sa gilid, naipit sa pagitan ng 2 container van!

Iginiit niya na para lamang umano sa personal niyang paggamit ang nasabing substansiya.

Lumabas din sa imbestigasyon na dati nang nakulong ang babae noong 2004 kaugnay ng isang kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Samantala, sinabi ng mga awtoridad na ang anak ng suspek ay kasalukuyang nasa huling yugto na ng kaniyang rehabilitasyon matapos masangkot noon sa paggamit ng ilegal na droga.

Matapos ang insidente, dinala ang suspek sa kustodiya ng Guadalupe Police Station kung saan siya pansamantalang nakakulong.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang timbang at tinatayang halaga ng nakumpiskang hinihinalang shabu habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at paghahanda ng kaukulang kaso laban sa suspek.