July 25, 2026

Home BALITA

Lolang bumira ng 'bomb joke' sa sekyu ng mall, arestado!

 Lolang bumira ng 'bomb joke' sa sekyu ng mall, arestado!
Photo courtesy: Unsplash

Isang 64-anyos na babae ang nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law matapos umano siyang magbiro tungkol sa pagkakaroon ng bomba sa kaniyang bag habang sumasailalim sa security inspection sa isang mall sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon, dumaan ang senior citizen sa regular na inspeksyon sa pasukan ng establisimyento nang sabihin umano nito sa isang lady guard na may bomba sa kaniyang dala. 

Dahil sa naturang pahayag, agad na naalarma ang security personnel at isinailalim sa masusing pagsusuri ang kaniyang bag.

Nang inspeksyunin ang mga gamit ng babae, wala namang nakitang anumang pampasabog. Lumitaw na mga personal na kagamitan lamang ang laman ng bag at ang sinabi niya ay isa lamang umanong biro.

Sa kabila nito, agad na inabisuhan ng mall security ang mga pulis, na nagresponde sa lugar at dinala ang babae sa himpilan para sa karagdagang imbestigasyon.

Metro

Bangkay ng babaeng nakasilid sa maleta, natagpuan sa Taguig!

Kalaunan, sinampahan siya ng reklamo sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, na nagbabawal sa pagpapakalat ng maling impormasyon, pagbabanta, o biro na may kaugnayan sa bomba at iba pang pampasabog dahil maaari itong magdulot ng takot, alarma, at pagkaantala sa operasyon ng mga pampubliko at pribadong lugar.

Pinaalalahanan naman ng pulisya ang publiko na iwasan ang anumang uri ng biro tungkol sa bomba, lalo na sa mga lugar na may mahigpit na seguridad gaya ng mga mall, paliparan, terminal, at iba pang matataong lugar, dahil maaari itong magresulta sa pananagutang kriminal.