June 12, 2026

Home BALITA

Halos 3,000 aftershocks, naramdaman sa Mindanao!

Halos 3,000 aftershocks, naramdaman sa Mindanao!
Photo courtesy: via MB

Umabot na sa 2,980 aftershocks ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao noong Lunes, Hunyo 8, 2026.

Batay sa pinakahuling datos ng PHIVOLCS nitong Huwebes ng umaga, Hunyo 11, 783 sa mga aftershocks ang natukoy ang lokasyon habang 61 naman ang naiulat na naramdaman ng mga residente sa mga apektadong lugar. 

Naitala ang lakas ng mga pagyanig mula magnitude 1.2 hanggang magnitude 6.4.

Nakuha ang datos mula sa General Santos Seismic Station at Don Marcelino Seismic Station sa Davao Occidental, na patuloy na nagbabantay sa aktibidad ng lindol sa rehiyon.

Samantala, umakyat na sa 53 ang naiulat na nasawi dahil sa epekto ng malakas na lindol, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP). Sa bilang na ito, 33 ang naitala sa rehiyong SOCCSKSARGEN habang 12 naman ang mula sa Davao Region. Nilinaw ng ahensya na ang mga bilang ay patuloy pang sumasailalim sa beripikasyon.

National

Sen. Robin Padilla iginiit ang ROTC, disaster preparedness training kasunod ng lindol sa Mindanao

Nananatili ring nakataas sa Code Red Alert ang BFP sa Davao Region at SOCCSKSARGEN upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad at sa patuloy na assessment ng pinsala.

Ayon naman sa Office of Civil Defense (OCD), narating na ng mga responder ng pamahalaan ang mga lugar na unang nahiwalay dahil sa pinsalang dulot ng lindol. 

Gayunman, nananatiling hamon ang pagpasok sa ilang komunidad dahil sa mga nasirang kalsada at iba pang imprastraktura, partikular sa ilang bahagi ng SOCCSKSARGEN.

Malaki rin ang naging epekto ng kalamidad sa sektor ng edukasyon. Batay sa paunang pagsusuri ng Department of Education (DepEd), tinatayang 6,224 paaralan sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at Caraga ang naapektuhan ng lindol.

Apektado rin ng sakuna ang mahigit 3.2 milyong mag-aaral at humigit-kumulang 128,000 guro at school personnel sa mga nabanggit na rehiyon.

Patuloy ang ginagawang pagsusuri ng mga ahensya ng pamahalaan sa lawak ng pinsala habang nagpapatuloy rin ang monitoring sa mga aftershock na maaaring maranasan sa mga susunod na araw.