July 23, 2026

Home BALITA National

‘Di pagbalik ng PH sa ICC, ‘di nagpapakita ng kawalan ng sinseridad ng bansa—Palasyo

‘Di pagbalik ng PH sa ICC, ‘di nagpapakita ng kawalan ng sinseridad ng bansa—Palasyo
Photo courtesy: RTVM/YT, ICC


Nilinaw ng Malacañang na ang hindi pa muling pagsali ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) ay hindi nangangahulugang wala itong sinseridad na panagutin ang mga taong dapat managot hinggil sa iba’t ibang kaso.

Kaugnay ito sa tila pagkuwestiyon ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima hinggil sa hindi pa pag-anib ng bansa sa naturang korte, at tila pagiging “idle” nito sa nasabing usapin.

“Iginagalang natin or nadidinig natin ang sinasabi ng kagalang-galang na Cong. Leila de Lima,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Huwebes, Hunyo 11.

Aniya, “Pero hindi po ibig sabihin na kapag hindi pa nag-rejoin sa ICC ay hindi na nakikita ang sinseridad ng administrasyon para mapanagot ang dapat na mapanagot.”

“Tayo po ay tumutupad sa ating batas, ang RA 9851. Ito po ay isang tool na magagamit para mapanagot ang dapat na mapanagot—ang mga taong may kaso sa ICC,” dagdag pa niya.

National

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika

Ginamit pa ng press officer na halimbawa si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa batas na ginagamit ng bansa kaugnay sa parehong mga isyu at kaso.

“Nakita na po nila, na-surrender na po natin mismo ang dating Pangulong Duterte sa ICC gamit ang RA 9851 at ang pag-obserba natin sa residual obligations—pati po ang ating kooperasyon sa Interpol,” anang press officer.

Giit niya, “So, hindi po ito nagpapakita na walang sinseridad ang administrasyon para mapanagot ang dapat na mapanagot.”

“Hindi po diyan nagtatapos. Hinahanap po natin at tinutugis pa si Senator Bato na pinangalanang co-perpetrator ng ICC para sa crimes against humanity,” pagtatapos ni Usec. Castro.

Hanggang sa kasakuluyan, hindi pa rin nagpapakita ng interes ang administrasyong Marcos Jr. na bumalik sa ICC, matapos mag-withdraw ang bansa rito sa ilalim ng administrasyon ni FPRRD.