July 23, 2026

Home SHOWBIZ

Very special gift ni Sharon kay KC, mamahaling relo na 40 years na sa kaniya

Very special gift ni Sharon kay KC, mamahaling relo na 40 years na sa kaniya
Photo courtesy: Sharon Cuneta (IG)

Ibinahagi ni Megastar Sharon Cuneta ang pagbibigay niya ng "very special gift" sa panganay na anak na si KC Concepcion, na lumalabas na isang espesyal na pamana na matagal niyang iningatan—ang kauna-unahang mamahaling relong binili niya para sa sarili noong siya ay teenager pa lamang.

Sa kaniyang Instagram post kamakailan, ikinuwento ni Sharon na nang bumisita kamakailan si KC, ibinigay na niya sa anak nila ng dating asawang si Gabby Concepcion ang pagmamay-aring relong mahigit apat na dekada na niyang pag-aari.

Ayon sa Megastar, binili niya ang naturang Cartier watch noong siya ay 16 o 17 taong gulang pa lamang, dahilan upang maging napakahalaga nito sa kaniya.

Mas naging makahulugan pa ang regalo dahil ang relo ring iyon ang suot ni Sharon sa pelikulang "Sa Hirap at Ginhawa," ang kauna-unahang pelikulang pinagsamahan nila ng noo'y asawa niyang si Gabby na tatay ni KC matapos ang kanilang kasal noong 1984.

Ibinahagi rin ng aktres na nasa sinapupunan pa lamang niya noon si KC habang ginagawa ang naturang pelikula. Ngayon, makalipas ang maraming taon, ang anak na mismo ang nagsusuot ng relong naging saksi sa mahalagang yugto ng kanyang buhay.

Kakai Bautista, nagsalita matapos ikumpara kay Joy Barcoma

Kalakip ng kaniyang post ang mensaheng, “Now she is wearing my precious watch. I love you, Tina!” bilang pagpapahayag ng pagmamahal sa kaniyang panganay na anak.

Maraming netizens at tagahanga ang naantig sa naging regalo ni Sharon kay KC, na hindi lamang isang mamahaling alahas kundi isang piraso ng alaala at kasaysayan ng kanilang pamilya.

Tuwang-tuwa naman ang fans at supporters ng mag-ina dahil ibig sabihin, para bang nagpapahiwatig na in good terms ang relasyon ng mag-ina ngayon.

Matatandaang sa isang panayam kay Ogie Diaz, inamin ni Mega na may mga sandaling may mga bagay silang hindi napagkakasunduan ni KC, pero hindi raw ibig sabihin nitong hindi nila mahal ang isa't isa.