Pormal nang ginagampanan ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang tungkulin sa pagpirma ng mahahalagang dokumento at administratibo ng Senado upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng institusyon sa gitna ng umiiral na sigalot sa liderato ng mataas na kapulungan.
Sa isang panayam ng media nitong Miyerkules, Hunyo 10, 2026, sinabi ni Gatchalian na nakatuon siya sa pagtiyak na hindi maaantala ang pagpapalabas ng suweldo, benepisyo, at iba pang pangangailangan ng mga empleyado at tanggapan ng Senado.
Ayon sa senador, natapos na ang proseso ng paglilipat ng awtoridad sa pagpirma sa Land Bank of the Philippines, na nagbibigay sa kaniya ng kapangyarihang lumagda sa mga tseke at Automatic Debit Arrangements (ADA) para sa iba't ibang gastusin ng Senado.
"So, today I'll be signing checks and the ADA specifically for the incentives of our employees and the MOOE of senators' offices so they can continue operating," pahayag ni Gatchalian.
Kabilang sa mga dokumentong kaniyang pipirmahan ang para sa efficiency incentives ng mga empleyado at Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga opisina ng mga senador.
Bukod dito, inihayag din ni Gatchalian na walong empleyado ng Senado ang naaprubahan na para sa promosyon matapos dumaan sa pagsusuri ng promotions board. Inaasahang mailalabas ang kanilang mga appointment ngayong linggo o sa susunod na linggo.
Samantala, tahasang tinanggihan ni Gatchalian ang ulat na handa umanong makibahagi si Senador Alan Peter Cayetano sa pagpirma ng mga opisyal na dokumento habang ipinaglalaban pa rin nito ang pagiging Senate President.
"There's only one Senate President Pro Tempore. There's only one designated acting Senate President," diin ni Gatchalian.
"Since we are the Senate President Pro Tempore and designated acting Senate President, we will perform our duties and ensure that Senate operations are not disrupted," dagdag pa niya.
Ayon kay Gatchalian, pangunahing layunin niyang tiyaking maayos ang takbo ng Senado at ang pakikipag-ugnayan nito sa House of Representatives at iba pang sangay ng pamahalaan.
Inihayag din niya na inatasan na niya si dating Senate Secretary Jose Luis Montales na isuko ang mga opisyal na dokumento ng Senado. Ayon sa senador, nagpadala na rin umano si Montales ng liham kay Senate Secretary Renato Bantug Jr. hinggil sa turnover ng mga nasabing dokumento.
Sa kabila ng usapin sa liderato, tiniyak ni Gatchalian na magpapatuloy ang normal na operasyon ng Senado at hindi maaapektuhan ang mga serbisyo at benepisyong dapat matanggap ng mga empleyado at mga tanggapan ng mga senador.