Mula sa pagiging kilalang social media personality at negosyante ng paresan, pinalawak pa ni Diwata ang kaniyang hanapbuhay matapos buksan ang Diwata Salon and Barbershop sa Trece Martires City, Cavite.
Sa social media posts, inanunsiyo ni Diwata na bukas na sa publiko ang kanilang salon at barbershop na matatagpuan sa Block 87 Main Road, Golden Horizon, Hugo Perez, Trece Martires, Cavite.
Ayon kay Diwata, handa nang magbigay ng iba't ibang serbisyo ang kanilang establisimyento, kabilang ang pagpapagupit para sa mga nais magpaayos ng kanilang buhok.
“Punta na kayo dito sa Diwata Salon and Barbershop. Magagaling ang ating mga barbero, promise! Dami lagi nagpapa-gupit,” ani Diwata.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang grand opening, nag-alok din siya ng 40 hanggang 50% discount para sa lahat ng magpapagawa o magpapaserbisyo sa araw ng pagbubukas.
“Punta kayo sa grand opening ngayong Linggo na 50 percent discount ibibigay ko sa lahat ng magpapagawa,” dagdag pa niya.
Umaasa si Diwata na mas marami pang kliyente ang kanilang mapagsisilbihan sa bagong negosyong ito, kasabay ng patuloy na paglawak ng kaniyang mga negosyo at serbisyo para sa publiko.
Matatandaang kamakailan lamang, naging usap-usapan ang pagiging "mabait" na ulit ni Diwata at pumapayag na magpa-picture sa fans, matapos na malugi ang kaniyang paresan.