July 23, 2026

Home BALITA Probinsya

Banta sa seguridad ng Senado, konektado sa presensya ng 18 ex-bodyguards?—Sen. Win

Banta sa seguridad ng Senado, konektado sa presensya ng 18 ex-bodyguards?—Sen. Win
Photo courtesy: MB file photo

Posibleng may kaugnayan umano sa 18 dating bodyguards ni dating party-list Rep. Zaldy Co ang iniulat na banta sa seguridad ng Senado, ayon kay acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian.

Sa isang virtual interview nitong Miyerkules, Hunyo 10, 2026, sinabi ni Gatchalian na seryosong tinatrato ng Senado ang anumang impormasyon kaugnay ng banta sa seguridad, lalo na sa gitna ng mga kontrobersiyang kasalukuyang iniimbestigahan ng kapulungan.

“Lahat ng banta sineseryoso natin, especially sa ganitong situation. Si Senate Sergeant-at-Arms will be coordinating with intelligence agencies. In the meantime, we have to take this seriously kasi ang priority natin ay safety ng employees, media, members of the Senate and senators,” ani Gatchalian.

Dahil sa naturang impormasyon, isinailalim sa heightened security ang Senado simula Hunyo 9. Nagpatupad din ng work-from-home arrangement para sa ilang empleyado mula Hunyo 10 hanggang Hunyo 11 bilang pag-iingat habang isinasagawa ang beripikasyon sa banta.

Ayon kay Gatchalian, ipinaabot umano ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang posibilidad na may kinalaman sa banta ang 18 dating miyembro ng Marines na naunang naiugnay sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Probinsya

Lalaking umiihi sa gilid, naipit sa pagitan ng 2 container van!

“What he said was there’s a possibility na mayroong manggugulo sa Senado, and it’s a possibility na armed group ang manggugulo,” pahayag ni Gatchalian.

Dagdag pa niya, “Ang sabi ng NBI, it might be connected to them.”

Ang 18 indibidwal ay naunang inimbitahan sa consultative meeting ng komiteng pinamumunuan ni Sen. Raffy Tulfo kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects. Kasama rin sa mga inimbitahan ang kanilang abogado na si Atty. Levi Baligod.

Bagama’t dumating umano sa Senado ang mga resource person, hindi sila dumalo sa pulong sa kabila ng paulit-ulit na paanyaya ng komite. Sa halip, nagtungo sila sa tanggapan ni Senador Robinhood Padilla at kalauna’y nagsagawa ng press conference.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kredibilidad ng ulat tungkol sa banta at ang pinagmulan nitong impormasyon mula sa NBI. Nagpahayag din siya ng pag-aalala kung bakit ilang senador lamang umano ang naabisuhan tungkol sa naturang security alert.

Ayon kay Gatchalian, mabilis na kinailangang kumilos ng Senado nang matanggap ang impormasyon.

“Napakabilis ng pangyayari. I had to react very quickly, talk to some senators for advice and suggestion. Bilang Acting Senate President, I have to do what I have to do to protect the employees,” aniya.

Nilinaw rin ng senador na naabisuhan ang lahat ng senador sa pamamagitan ng memorandum na inilabas ng kanyang tanggapan at hindi naman naka-lockdown ang Senado.