Ekis para kay Kapamilya Primetime King Coco Martin ang pagpasok sa politika at pag-eendorso ng sugal.
Sa contract signing event ng isang LPG company kamakailan, sinabi ni Coco na wala umano siyang interes na pasukin ang mundo ng politika.
“Matagal na matagal na iyan. Almost every election, palagi akong tatanungin niyan. Paulit-ulit na sinabi ko na, honestly, wala akong interes kasi nakita ko kung gaano kahirap,” saad ni Coco.
Dagdag pa niya, “Mayroon naman tayo talagang matitinong politicians pero napakahirap ng sitwasyon.”
Ayon sa Kapamilya Primetime King, okay na raw sa kaniya na nakakatulong siya sa kapuwa sa sarili niyang pamamaraan.
“Kaysa ang gawin ko is ilagay ko ‘yong sarili ko doon and after that siyempre iba-iba ang intensyon sa ‘yo ng tao, e. Depende kung ma-appreciate nila ang ginagawa mo or sisirain ka nila,” dugtong pa ni Coco.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Coco ang pagiging maingat niya pagdating sa pagpili ng mga produktong ieendorso.
Lahad niya, “May kumuha sa akin na gusto ako ng mag-endorse ng gambling. Sabi ko, hindi ako magsasalita tungkol doon kasi hindi ko pananaw sa buhay ‘yon. Kasi sabi ko, nagsimula ako sa pinakamababa hanggang umabot ako rito.
“Hindi ko inaano ang buhay ko sa swerte o sa sugal na baka jumackpo. Kasi para sa akin ang lahat ng pinaghirapan mo alam mo kung paano pahahalagahan,” pagpapatuloy pa ni Coco.
Matapos niya umanong tanggihan, bumalik daw ulit ang nag-alok para dagdagan ng mas malaki ang halagang ibibigay nito sakaling pumayag si Coco na mag-endorso ng suagl.
Pero sabi ni Coco, "Diniscuss namin 'yon ni Julia and manager and sabi namin, aanhin namin ang ganitong klaseng halaga kung ano naman ang masisirang buhay ng mga tao."
Sa kabila nito, nilinaw naman ng Kapamilya Primetime King na hindi raw niya tinutuligsa ang mga taong sangkot sa pagsusugal.
Binigyang-diin niya na ang desisyong tanggihan ang nasabing alok ay nakabatay lang umano sa kaniyang personal na karanasan at paninindigan.
Maki-Balita: Anyare? Coco Martin, inalok mag-konsehal