June 09, 2026

Home BALITA Probinsya

Batang kasama lang bumili ng school supplies, inararo ng sasakyan!

Batang kasama lang bumili ng school supplies, inararo ng sasakyan!
Photo courtesy: Antipolo CCPS

Nasawi ang isang apat na taong gulang na bata sa Barangay Cupang, Antipolo City, Rizal matapos itong mabangga at pumailalim sa umaararong sasakyan. 

Batay sa pahayag ng Antipolo Component City Police Station sa media noong Lunes, Hunyo 8, ang batang si “Leleng” ay sumama sa kaniyang ina at lola na mamili ng school supplies bilang paghahanda sa pasukan noong hapon ng Linggo, Hunyo 7. 

“Di ko akalaing sa amin sasalpok. Akala ko didiretso [‘yung sasakyan]. Sobrang excited [pa] niyang pumasok [sa paaralan],” saad ng ina ni Leleng na si Jamaica Astada. 

Mapapanood din sa ipinakitang kuha ng CCTV na tumilapon ang lola ni Leleng dahil sa lakas ng pagsalpok sa kanila ng sasakyan. 

“Yung mag-lola po duguan at walang malay po yung bata. Yung lola po, sinasabi niya, ‘Unahin n’yo yung apo ko, unahin n’yo yung apo ko,” ani Barangay Public Safety Officer Marissa Lonsame. 

Probinsya

Fast food chain, nakiramay sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol

Bukod dito, nagkaroon pa ng anim na sugatan mula sa insidente ng pag-araro. 

Saad ni PLTCOL. Mark Henry Garcia, nawalan ng preno ang sasakyan, na naging dulot para mawalan ng kontrol ang driver sa kaniyang pagmamaneho. 

Dahil dito, kahaharapin ng driver ang kasong “reckless imprudence resulting in homicide, damage to property, and multiple physical injuries” ang driver. 

Ipinaalala ni Garcia sa mga motorista na i-obserba ang kalagayan ng kanilang sasakyan bago byumahe upang maiwasan ang aksidente sa daan. 

“Bago po umalis ng kani-kanilang bahay o tirahan ay i-observe po ang ‘BLOWBAGETS.’ Break, light, oil, water, eyes, at siyempre, yung sarili, dapat conditioned,  para maiwasan ang mga ganitong aksidente,” payo ni Garcia. 

Sa kabilang banda, humihingi ng tulong ang pamilya ni Leleng dahil sa nagpapatuloy na gamutan ng lola at ina mula sa kanilang mga tinamong sugat, kasabay ang gastusin sa lamay at libing ni Leleng.