May bagong milestone na naman sa buhay at career ni GMA Kapuso star at tinaguriang Asia's Multimedia Star na si Alden Richards matapos siyang gawing ambassador para sa isinusulong na mental health awareness ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa kapakanan ng mga OFW.
Ipinagmalaki ng Sparkle GMA Artist Center si Alden sa kanilang post, na inilarawan nila bilang "another purpose-driven role."
Naimbitahan ang aktor sa ginanap na OFW Kabuhayan Expo 2026 sa SMX Convention Center noong Linggo, Hunyo 7.
"Alden takes on another purpose-driven role," mababasa sa post ng Sparkle.
"Asia’s Multimedia Star Alden Richards was formally introduced as the Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Mental Health Awareness Ambassador during the OFW Kabuhayan Expo 2026 at the SMX Convention Center earlier today." anila pa.
Kitang-kita naman sa mga ibinahaging larawan ng OWWA na masayang-masaya si Alden sa pagkilala sa kaniya, at masaya rin ang mga dumalong masilayan ang tinaguriang "Pambansang Bae."
Ang nabanggit na expo ay inangkla sa temang “Alagang OWWA: Serbisyong May Puso para sa OFW at Pamilya tungo sa Bagong Pilipinas,” na nagpapakita ng pangako ng pamahalaan na tiyakin ang kapakanan ng mga OFW bago, habang, at pagkatapos ng kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Anila pa, ang reintegrasyon ng mga OFW ay hindi nagtatapos sa pagbibigay ng tulong pangkabuhayan. Kabilang dito ang mas malawak na suporta sa larangan ng kalusugan at wellness, edukasyon, kasanayan, pananalapi, social protection, pagnenegosyo, at pagpapatatag ng pamilya upang makamit ang pangmatagalang kaunlaran.