Pinalagan ni Kapuso actress, Yasmien Kurdi ang patutsada ng isang basher na tila may isyu sa pag-post niya ng kaniyang law school journey sa social media.
Sa long message ni Yasmien nitong Linggo, Hunyo 7, mababasa ang screenshot ng komento ng basher na may “champaka” username na nagsasabing, “ang hirap maging law student! First year ka pa lang! Maka-flex! Flex mo kapag bar review ka na!”
Dahil dito, pinayuhan ni Yasmien ang basher na imbes na maghabol sa ibang tao at mga pressure sa buhay, matuto itong ipagdiwang ang kaniyang mga achievement sa buhay, gayundin ang pag-appreciate sa mga natutunan sa pag-abot ng mga ito.
“Just enjoy every journey, celebrate the small wins, and be proud of every little step you achieve in life. Siguro kung mas bata-bata pa ako, baka apektado pako. Pero sa edad ko ngayon, mas nare-realize ko na life is too short talaga. Just enjoy every journey. Hindi naman laging tungkol sa bilis ng pag-abot sa destination, nakaka-pressure ’yun. Sino ba ang hinahabol mo? Sarili mo o ibang tao? Nakakalungkot naman kung ibang tao ang hinahabol mo. Minsan, kapag na-appreciate mo ang proseso at ang growth along the way, mas nagkakaroon ng halaga ang lahat, diba?” payo ni Yasmien sa basher.
Saad pa ng aktres, mag-bar exam man siya o hindi, go with the flow lang daw siya at kung ano ang plano ng Panginoon sa kaniya, doon siya susunod.
Ibinahagi rin ni Yasmien na mainam na paraan ang pag-popost niya ng mga litrato sa pagtahak niya sa law school upang maka-inspire ng ibang tao.
“Enjoy mo lang ang course and life! Bahala na kung magba-Bar o hindi. Just go with the flow. Kung ano ang plan ni Lord for us, dun tayo. Huwag masyadong magpapadala sa pressure ng buhay. It’s nice to document everything para maka-inspire din ng ibang tao. Bawal ang sobrang seryoso at pressure sa life, baka mabaliw tayo. Hahaha. Smile lang, champaka! And just do your best in everything you do. ” ani Yasmien.
“Mahirap talaga ang law school kasi napakahaba ng preparation. Pinaghahandaan na kami para sa Bar as early as first year. Pagod, hirap, at luha ang kasama sa journey. Noong una, naisip ko rin kung ise-share ko ba ang law school journey ko o hindi. Pero dahil challenging siya, nakaka-proud isipin na naka-survive ako ng isang taon! Amazing! At the end of the day, ang mahalaga ay patuloy kang sumusulong… at isang hakbang lang bawat araw. Isa lang ang katawan natin,” dagdag pa ni Yasmien.
Sa pagtatapos ng kaniyang long post, diretsahang binanggit ni Yasmien sa basher na maging masaya sa tagumpay ng mga kaibigan at wag itong maging bitter dahil ang buhay ay hindi karera.
Bukod pa sa law school, ibinahagi ni Yasmien na binabalanse rin niya ang pag-asikaso sa pamilya at dahil dito, bawal ma-stress upang maiwasan ang pagkakasakit.
“Also be happy for your friends kapag successful sila… wag kang bitter, dahil iba-iba naman tayo ng timeline at pinagdadaanan sa buhay. Walang karera. Enjoy the process, the self-realizations, the learnings and don’t forget to live! may pamilya pa tayo ha! haha. Bawal stress, baka magkasakit pa tayo. Be proud of yourself and of everything you’re doing. Malayo ang narating mo. Be proud and Smile. ,” patutsada ni Yasmien.
Sa kaugnay na ulat, ibinahagi rin ni Yasmien sa iba pa niyang posts na nakatapos na siya ng isang taon sa law school at sa kasalukuyan, ang paborito niyang subject ay ang Criminal Law habang ang pinaka-challenging naman para sa kaniya ay ang Oblicon.