Ibinahagi ni "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition season 1" Kapuso celebrity housemate na si Josh Ford na matapos ang pag-iipon niya, finally, sumailalim na rin siya sa surgeries para sa dinaranas na problema sa kaniyang tenga at ilong.
Makikita sa Facebook post ni Josh noong Sabado, Hunyo 6, ang iba't ibang operasyong pinagdaanan niya.
"Finally nangyari na," saad ni Josh, "septoplasty, uncinectomy, polypectomy, left turbinectomy, and left myringoplasty done. Thank You Lord for a successful surgery. Praying for a smooth recovery and better days ahead."
Nagpasalamat naman si Josh sa lahat ng mga nagdasal para sa kaniya.
"Thank you everyone for all the love and support. Sobrang thankful ako sa inyong lahat. Salamat sa mga dasal at pag-check up sa akin. Gagaling din ako soon," aniya pa.
Inulan naman ng pag-aalala at encouraging words si Josh mula sa mga netizen na naghahangad ng kaniyang agaran at mabilis na recovery.
Sa panayam sa kaniya ng GMA News, may kinalaman ang pagpapaopera ni Josh sa kinasangkutan niyang car accident.
Batay sa post ni Josh, sumailalim siya sa ilang operasyon upang maayos ang mga problema sa kaniyang ilong at kaliwang tainga. Kabilang dito ang septoplasty, na ginawa upang ituwid ang baluktot na partisyon sa loob ng ilong para mas maayos ang paghinga.
Ang uncinectomy at polypectomy naman, isinagawa upang alisin ang mga tissue at nasal polyps na maaaring sanhi ng bara at paulit-ulit na sinusitis.
Ang left turbinectomy naman ay binawasan o inalis ang namamagang tissue sa kaliwang bahagi ng ilong upang mapaluwag ang daluyan ng hangin.
Sa left myringoplasty, kinumpuni ang butas o pinsala sa eardrum ng kaliwang tainga upang mapabuti ang pandinig at maiwasan ang impeksiyon.
Sa kabuuan, layunin ng mga operasyong ito na mapabuti ang kaniyang paghinga, mabawasan ang mga problema sa sinus, at maibalik ang maayos na kalagayan ng kaniyang tainga.