June 01, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Matapos mabasura ikinaso ni Alfred Vargas: Sigaw ni Rob Sy, 'Ang aming anak ay HINDI bully!'

Matapos mabasura ikinaso ni Alfred Vargas: Sigaw ni Rob Sy, 'Ang aming anak ay HINDI bully!'
Photo courtesy: Rob Sy, Alfred Vargas (FB)

Naglabas ng opisyal na pahayag ang aktor na si Rob Sy kaugnay sa pagkakabasura sa piskalya ng isinampang kaso laban sa kaniya ng kapwa aktor at Quezon City 5th District Councilor Alfred Vargas, sa isyung bullying sa mga anak nila.

Matatandaang nauna nang naglabas ng pahayag ang kampo ni Vargas kaugnay sa pagkaka-dismiss ng Manila Prosecutor's Office sa inihaing kaso ni Vargas, na maluwag aniyang tinatawag subalit hindi nangangahulugang titigil na sila sa pag-apuhap ng legal remedies para aniya magkaroon ng hustisya ang pagka-bully ng anak niya.

“We have been informed about the decision of the prosecutor. While we have yet to receive the official decision, we say with certainty that we respect the law and due process and we will continue to do so regardless of the outcome," mababasa sa opisyal na pahayag ni Vargas.

Gayunman, iginiit niya na hindi pa rito nagtatapos ang kanilang paghahanap ng hustisya para sa kanilang anak.

“In the same light, due process allows us to seek legal remedies. We will exert all available legal avenues to pursue justice for our child. Hindi pa po dito nagtatapos ang laban," saad pa ni Vargas.

Tsika at Intriga

Alfred Vargas, 'di susuko sa bullying case ng anak: ‘Hindi pa dito nagtatapos ang laban’

Samantala, naglabas din ng opisyal na pahayag si Sy, kaugnay sa mga naunang inilabas na opisyal na pahayag ni Vargas.

Iginiit ni Sy na nagdesisyon na raw ang piskalya at napatunayang hindi makatatayo bilang kaso ang inireklamo ng kampo ni Vargas laban sa kaniyang anak, na ipinagdiinan niyang hindi isang bully.

"Hindi na po sana kami magsasalita pa tungkol sa mga lumabas na namang mga naratibo, dahil nga sa ito ay kaso na at kami ay napayuhan na antayin lamang umikot ang hustisya pero sobra sobra na po talaga ang mga maling paratang," saad ni Sy.

"Nais naming ipaalala sa publiko ang isang simpleng katotohanan, na ang akusasyon ay hindi kailanman magiging kapalit ng tunay na mga ebidensya kahit na paulit ulit pa na sinasabi sa media."

"Mariin din naming itinatanggi ang alegasyon na kumakalat o pinanapakalat ng umano’y 'paulit-ulit na bullying.' Nais po naming linawin na ang aming anak ay HINDI bully," pahayag pa niya.

Sa kabilang banda, iginagalang daw ni Sy ang karapatan ng kabilang panig na muling umapela. ngunit sa kabila nito, hindi na raw niya hahayaang manaig na naman ang trial by publicity.

"Iginagalang namin ang karapatan ng kabilang panig na umapela sa kasong ito, kung iyon ang kanilang ninanais. Gayunman, hindi namin hahayaan na muling manaig ang Trial by Publicity o ang pagpapakalat ng mga maling naratibo sa social media laban sa aming pamilya. Kung kailangan na kami ay imbitahan ng sino man na nais hingan kami ng reaksyon para magsalita ng direkta sa mga nangyari, kami ay handang magsalita sa larangan ng katotohanan at bilang reaksyon sa mga paratang laban sa amin sa social media," paliwanag niya.

Sa dulo ng pahayag, sinabi ni Sy na mananahimik na sila alang-alang sa kapakanan ng kanilang anak.

"Sa puntong ito, hindi na namin nais makisali sa ingay ng kontrobersiya. Ang prayoridad namin ay ang kapakanan, katahimikan, at paghilom ng aming anak."

"Maraming Salamat po sa lahat na patuloy na naninindigan para sa katotohanan, patas na paghusga, at paggalang sa proseso ng batas," pahayag pa.