Nagdaos ng isang noise caravan ang mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Maynila nitong Linggo, Mayo 31, bilang pagpapakita ng suporta sa kaniya bago ang nakatakdang impeachment trial laban sa kaniya sa Hulyo 6, 2026 sa Senado.
Lulan ng mga sasakyan at motorsiklo, bumiyahe ang mga supporter patungong gusali ng Senado sa Pasay City habang nagpapatunog ng mga busina at nagpapakita ng suporta para kay Duterte.
Makikita rin sa caravan ang ilang kalahok na nagwagayway ng mga watawat ng Pilipinas habang binabaybay ang Roxas Boulevard.
Naganap ang aktibidad ilang linggo bago simulan ng Senado ang impeachment trial ng bise presidente, na inaasahang magiging isa sa pinakamalaking usaping pampulitika sa bansa ngayong taon.
Sa mga nakalipas na buwan, patuloy na nagsasagawa ng iba't ibang pagtitipon at pagpapakita ng suporta ang mga kaalyado at tagasuporta ni Duterte habang hinihintay ang pagsisimula ng paglilitis sa Senado.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Duterte kaugnay ng isinagawang noise caravan.
Samantala, nagpaabot naman ng pagbati ang mga tagasuporta ni Duterte para sa kaniyang ika-48 kaarawan.