Nagbigay ng reaksiyon si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno kaugnay sa pribilehiyong ibinigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kay Sen. Jinggoy Estrada sa posibleng pagkaaresto nito.
Sa latest Facebook post ni Diokno nitong Biyernes, Mayo 29, napa-sana all na lamang siya sa ibinigay na option ng ahensya kay Estrada samantalang ipinagkakait ito sa mga ordinaryong Pilipino.
Aniya, “Wow! Sana all may choices. Yung ordinaryong Pilipino, walang option. Kinulong agad dahil napagkamalang nanlilimos.”
“Pero kapag makapangyarihang opisyal na may kasong plunder at graft, may pa-consultation muna? Dapat patas ang proseso. Walang special treatment, walang VIP lane, walang batas na para lang sa mahihirap,” dugtong pa ni Diokno.
Kalakip ng post na ito ng kongresista ang news pubmat tungkol sa lolo sa Cebu na dinakip at ikinulong dahil sa pamamalimos kamakailan.
Kaya, giit ni Diokno, dapat maging patas umano ang proseso.
“Walang special treatment, walang VIP lane, walang batas na para lang sa mahihirap,” saad niya.
Samantala, naglabas naman na ang Sandiganbayan Second Division ng arrest warrant at hold departure order laban kay Estrada.
Nakatakda na rin umanong magpiyansa ang senador para sa kaso niyang graft, ayon kay DILG Sec. Remulla.