Patay na nang natagpuan ang 19 taong gulang na babaeng halos tatlong araw na nawala matapos niyang magbenta ng tablet sa Alcoy, Cebu.
Ayon sa mga ulat, ang dayuhang kinakasama ng biktima ang nag-report sa mga awtoridad matapos itong bigong makauwi sa kanilang tinutuluyang bahay.
Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, natunton ng mga awtoridad sa isang tricycle driver ang noo’y ibinebentang tablet ng biktima sa pamamagitan ng global positioning system (GPS).
Lumalabas sa imbestigasyon na kaya umano umalis ang biktima ay upang makipagkita sa naturang tricycle driver na siyang dapat ay ka-transaksyon niya bilang buyer.
Ayon pa sa imbestigasyon, wala naman umanong naging problema sa transaksyon ng biktima at ng tricycle driver. Bunsod nito, sa mismong tricycle na rin daw ng buyer sumakay ang biktima pauwi subalit, ‘yon na ang huling beses na nakitang buhay ang biktima.
Kaagad na inaresto ng mga awtoridad ang nasabing tricycle driver na umamin din sa krimeng ginawa niya sa biktima.
Batay sa salaysay ng suspek, nainis daw siya sa biktima dahil sa matagal nitong pag-abot ng bayad sa kaniya sa halagang ₱150.
Doon na raw niyang napagdesisyunang dalhin sa madamong lugar ang biktima at saka pinatay sa saksak.
Nananatili na sa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek na naharap sa kaukulang kaso.