Kinumpirma ng Philippine Army (PA) nitong Biyernes, Mayo 29, ang pagkasawi ng dalawang trainee cadets kamakailan sa kasagsagan ng kanilang training sa Capas, Tarlac.
Batay sa opisyal na pahayag ng Training Command (TRACOM) noong Huwebes, Mayo 28, ang dalawang trainees ay parte ng Candidate Soldier Course (CSC) 806-2026 sa ilalim ng School for Candidate Soldier ng Initial Military Training Group.
Sa panayam naman ng media kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, naganap ang insidente noong tanghali ng Martes, Mayo 26, kung saan biglang bumagsak ang dalawang trainees sa kasagsagan ng kanilang formation training.
Aniya, agad na isinugod sa Tarlac Provincial Hospital ang trainees ngunit naideklarang patay kinagabihan.
Saad pa ni Dema-ala, parehong lalaki ang trainees, at isa sa kanila ay 19-taong gulang mula sa Davao del Norte habang ang isa ay 24-taong gulang mula sa Basilan.
Aniya pa, walang pisikal na indikasyon ng anumang foul play sa katawan ng trainees, ngunit tiniyak naman niyang kasalukuyan nang iniimbestigahan ng PA ang mga pangyayari sa insidente ng pagkasawi, kabilang ang posibleng kondisyon na maaaring na-trigger sa kasagsagan ng training.
Hinggil naman sa mga opisyal na nanguna sa training ng nasawing trainees, pansamantalang suspendido ang mga ito bilang parte ng imbestigasyon.
Bilang pag-iingat, tiniyak ni Dema-ala na ang formation training ay isinasagawa na sa isang covered court, aniya pa, nagdagdag na rin sila ng mga drum ng malalamig na tubig upang maiwasan ang dehydration at heat stroke.