May 28, 2026

Home BALITA National

Tropical storm Jangmi, patuloy na lumalakas; posibleng pumasok sa PAR mamayang gabi o sa Biyernes!

Tropical storm Jangmi, patuloy na lumalakas; posibleng pumasok sa PAR mamayang gabi o sa Biyernes!
Photo courtesy: DOST-PAGASA (FB)

Patuloy na lumalakas ang Tropical Storm Jangmi habang kumikilos pahilagang-kanluran, ayon sa pinakahuling advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong 11:00 ng umaga ng Huwebes, Mayo 28.

Ayon sa kaniyang social media posts, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,135 kilometro silangan ng Eastern Visayas at nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Taglay ng Jangmi ang lakas ng hanging aabot sa 65 km/h malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80 km/h habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 30 km/h.

Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok ang bagyo sa PAR mamayang gabi o madaling araw ng Biyernes, Mayo 29, kung saan tatawagin itong “Domeng.”

Posible rin umanong maging ganap na typhoon ang JANGMI pagsapit ng Sabado habang nasa Philippine Sea at maaaring marating ang pinakamalakas nitong bugso sa pagitan ng Sabado at Linggo.

National

'Ano ba naman 'yan?' Sen. Risa, sinupalpal si Sen. Robin tungkol sa force majeure

Bagama’t mababa pa rin ang posibilidad na mag-landfall ito sa bansa, sinabi ng PAGASA na maaari pa ring makaranas ng katamtaman hanggang maalong karagatan sa Extreme Northern Luzon ngayong weekend.

Posible ring magtaas ng gale warning sa ilang baybaying lugar sa hilagang bahagi ng Luzon.

Samantala, inaasahang palalakasin din ng bagyo ang southwesterly windflow o habagat simula Sabado na maaaring magdulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Pinapayuhan naman ng PAGASA ang publiko at mga lokal na disaster risk reduction offices na patuloy na mag-monitor ng mga update hinggil sa bagyo.