Opisyal nang kinilalang Highly Urbanized City (HUC) ang Naga City, ayon sa anunsyo ni Naga City Mayor Leni Robredo nitong Miyerkules, Mayo 27.
Inihayag ni Robredo ang magandang balita kasabay ng paggunita sa ika-68 kaarawan ng yumaong mister na si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary at dating alkalde ng Naga na si Jesse Robredo.
Ayon kay Mayor Leni, natanggap na nila ang mensahe mula sa Malacañang kaugnay ng pirmadong proklamasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na kumikilala sa bagong estado ng lungsod bilang Highly Urbanized City.
Sinabi ng alkalde na resulta ito ng sama-samang pagsisikap ng lokal na pamahalaan at ng Sangguniang Panlungsod.
Matatandaang ipinasa ng 15th Sangguniang Panlungsod ang Resolution No. 2026-078 noong Enero 27 bilang bahagi ng pormal na kahilingan para sa HUC status ng lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, naabot ng Naga City ang kinakailangang income at population threshold upang maging kwalipikado bilang Highly Urbanized City.
Dahil dito, inaasahang mas lalawak pa ang kakayahan ng lungsod sa pamamahala, pondo, at pagpapatupad ng mga programa para sa mga residente.
Masaya namang ipinagdiwang ng mga opisyal at residente ng Naga ang bagong milestone na ito para sa lungsod.