Kinaantigan ng mga netizen ang ginawang pagtulong ni Kapamilya star at vlogger Ivana Alawi sa nag-viral na senior citizen na jeepney driver na nabangga ang minamanehong sasakyan sa kalagitnaan ng kalsada habang namamasada.
Sa nabanggit na vlog, pinahanap talaga ni Ivana ang nabanggit na jeepney driver para abutan ng kaunting tulong kagaya ng pera at pamuhunan sa tindahan.
Kuwento ni Tatay Robin, siya raw ay mag-77 na, at ang hiling lamang daw niya, ay may taong magpapaabot ng tulong sa kaniya para sa pangangailangan ng kaniyang pamilya, lalo na ang misis niya na epileptic pala.
Matapos ang ilan pang pagshe-share ng jeepney driver kay Ivana tungkol sa kaniyang personal na buhay, walang atubiling inabutan siya ni Ivana ng ₱50,000 para pamuhunan sa balak niyang pagkakaroon ng sariling tindahan.
Naging emosyunal naman ang jeepney driver dahil sa pagtulong sa kaniya ni Ivana, na hindi raw niya akalaing mangyayari sa kaniya.
Bumaha naman ng papuri sa comment section ng nabanggit na vlog at sinabi ng mga netizen na mas mabilis pa raw umaksyon si Ivana kaysa sa gobyerno.
"Bilis talaga umaksyon ni Ivana kakahiya sa mga nakaupo."
"At dito na mag uumpisa mag labasan isa isa ang pamilya ni tatay, Btw maam ivana ako po ung isa sa mga anak ni tatay."
"Finally napansin agad ni ma'am ivana mas mabilis pa si ma'am Ivana kesa sa mga gobyerno haha"
"Yung bumangga kaya kay tatay ano kaya nafefeel now."
"DIBAAA!! MAS MABILIS PA SIYA UMAKSYON KESAAA SA GOBYERNO!!"
Agad namang nag-reply si Ivana rito.
"Baka mainspire sila gawin ang trabaho nila," aniya, na pumapatungkol sa mga nakaupo sa pamahalaan.
Habang isinusulat ito, umabot na sa 37M views, 2.5M reactions, 88k shares, at 87.3k comments ang nabanggit na vlog.