Ipinapahanap na ng ilang awtoridad at animal group ang tricycle driver na nakitang kumakaladkad sa isang aso habang pinapatakbo ang kaniyang motor.
Sa Facebook post ni Cong. Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. noong Sabado, Mayo 23, ibinahagi niyang nakahingi na siya na tulong sa Public Transportation Regulatory Office (PTRO) ng Angeles City at Land Transportation Office (LTO) upang makilala ang nasabing tricycle driver na nakita sa litrato ng pang-aabuso sa aso.
“Nakatanggap po tayo ng report mula sa isang concerned citizen tungkol sa pangyayaring ito, kaya agad po akong sumulat kay PTRO Chief Ferdinand Calma para humingi ng tulong sa kanila na mahanap ang driver ng tricycle na involved sa insidente dahil allegedly sa report po ay taga Angeles City daw po ang nasabing driver,” saad ni Lazatin.
Aniya pa, ang naganap na pangangaladkad sa aso ay hindi tama at bilang responsableng pet owner, kinakailangang pahalagahan ang buhay ng alagang hayop.
“Ang ating mga alaga ay may buhay. Kailangan din po nating respetuhin ang kanilang pakiramdam at buhay,” panawagan ng kongresista.
Isa pang nagpapahanap sa tricycle driver ay ang animal group na Animal Kingdom Foundation, kung saan hinihikayat nila ang publiko na agad ipagbigay-alam sa kanila ang anumang impormasyon dito sa pamamagitan ng private message at reshares ng post sa social media.
“We are now asking for the public’s help in identifying the owner and driver involved in this incident so proper action can be taken. If you have any information, please send us a private message. All information will be treated confidentially,” saad ng grupo.
“Please SHARE until these individuals are identified and held accountable,” dagdag pa nito.
Ang nasabing aso ay nag-viral sa social media noon ding Sabado matapos itong makuhanan ng litrato at video na nakatali at kinakaladkad sa gilid ng tumatakbong tricycle.