Muling naghayag ng kaniyang pagsuporta si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Mayo 23.
Ibinida ni Roque ang larawan nila ni FPRRD noong malaya pa ang dating pangulo at hindi pa nakakulong sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity dahil sa war on drugs niya noong panahon ng kaniyang administrasyon.
Sa simpleng caption ni Roque, sinabi niyang magkikita ulit sila ni Duterte at nangako siyang "walang iwanan."
"See you soon again Tatay Digong," anang Roque, na naging spox ni FPRRD noon.
"Walang iwanan!" aniya pa.
Sumunod, sa isa pang post, sinabi ni Roque na makatutulog na siya nang mahimbing dahil sa bagong legal counsel ni FPRRD na si Atty. Peter Haynes, matapos magbitiw ni Atty. Nicholas Kaufman.
"Makakatulog ako ng mahimbing knowing na si Tatay Digong has the best ever legal defense sa International Criminal Court with Atty. Peter Haynes," saad ni Roque.