May 24, 2026

Home BALITA

Pinoy, arestado matapos magpuslit ng cocaine sa oil tanker sa US

Pinoy, arestado matapos magpuslit ng cocaine sa oil tanker sa US
Photo courtesy: PEXELS

Nahaharap sa kaso sa Los Angeles ang isang Pilipino matapos umanong magpuslit ng halos 500 pounds ng cocaine sakay ng isang oil tanker mula Ecuador patungong El Segundo, California, ayon sa inanunsyo ng mga awtoridad nitong Sabado, Mayo 23, 2026.

Kinilala ng US Department of Justice ang suspek na si Ceasar Tubay Gelacio Jr., 43-anyos, na inaresto noong Huwebes, Mayo 21.

Batay sa mga dokumento ng korte, nakarekober ang mga law enforcement personnel ng halos 500 pounds ng cocaine nang inspeksyunin nila ang oil tanker na Aquatravesia, isang barkong pagmamay-ari ng isang kumpanyang Greek at may bandilang Liberian.

Ayon sa affidavit, nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad nitong mga nakaraang linggo na ang barko, na huling dumaong sa Ecuador, ay may dalang malaking halaga ng ilegal na droga na nakatakdang ihatid sa isang Mexican drug cartel.

Sa kalagitnaan ng biyahe, nadiskubre umano ng mga crew member ang ilang pakete ng hinihinalang narcotics na itinago sa garbage room ng barko. Nang malaman ng kapitan na si Gelacio umano ang may hawak ng droga, agad nitong isinilid sa ibang silid ang mga kontrabando para sa seguridad.

Probinsya

Pagpatay sa media practitioner, isang 'serious concern'—PTFOMS

Lumabas din sa imbestigasyon na si Gelacio umano ang tumanggap ng cocaine sa Ecuador at planong ipamahagi ito habang naglalayag ang barko malapit sa karagatan ng Mexico.

Sinabi rin ng kapitan sa mga awtoridad na habang nasa katubigan ng Mexico ang Aquatravesia, may naghihintay umanong maliliit na sasakyang pandagat na sakay ang mga armadong miyembro ng cartel, may layong 80 nautical miles mula sa baybayin noong gabi ng Mayo 14 hanggang madaling araw kinabukasan.

Nakasaad sa reklamo na kung hindi umano maihahatid ang droga sa itinakdang oras, may iba pang sasakyang pandagat na nakaabang upang sakyan ang oil tanker at kunin ang kontrabando.

Iniulat din ng kapitan na may natanggap siyang mga radio call na pinaniniwalaang mula sa cartel habang sinusubukan nitong kontakin ang barko bago ang planong pagsakay o pagkuha sa droga.

Kung mapapatunayang nagkasala sa kasong importation of a controlled substance, maaaring maharap si Gelacio sa parusang 10 taon hanggang habambuhay na pagkakakulong sa pederal na bilangguan, ayon sa mga prosecutor.