May 23, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

British vlogger, sinita si Vice Ganda kaugnay ng biro sa 'Senate attack'

British vlogger, sinita si Vice Ganda kaugnay ng biro sa 'Senate attack'
Photo courtesy: Malcolm Conlan (FB)/Screenshot from It's Showtime (YT)

Naglabas ng isang bukas na liham si British social media influencer Malcolm Conlan upang punahin ang naging biro ni Unkabogable Atar Vice Ganda sa "It's Showtime" kaugnay ng naging pahayag na “under attack” ang Senado.

Matatandaang sa isang episode ng "Laro laro Pick" segment, ginaya nina Vice Ganda at co-host na si Anne Curtis ang magkapatid na Senate President Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano, nang magsagawa sila ng Facebook live sa kasagsagan ng kaguluhan sa Senado noong Mayo 13.

Sa kaniyang liham, na naka-post sa kaniyang Facebook page, sinabi ni Conlan na nauunawaan niyang bahagi ng komedya ang satire, pagpapatawa, at pagbibigay-komento hinggil sa mga kasalukuyang isyu. Aminado rin siyang likas na napag-uusapan at napaparodya ang mga pampublikong personalidad.

Gayunman, iginiit niyang may mga pagkakataong kinakailangan pa rin ang pagiging sensitibo at balanse, lalo na kung ang usapin ay may kinalaman sa takot, kalituhan, at pampublikong seguridad.

Tinukoy ni Conlan ang naging reaksyon ng magkapatid na Cayetano kaugnay ng umano’y putok ng baril o seryosong banta sa loob ng Senado.

Tsika at Intriga

'It's hard not to feel affected:’ Nadine Lustre, bumoses na sa mga kaganapan sa bansa

Ayon sa kaniya, natural lamang na makaramdam ng takot at mag-react nang emosyonal ang mga tao sa ganitong sitwasyon, lalo na bago pa man makumpirma ang lahat ng detalye.

Binigyang-diin din ni Conlan na ang Senado ay isa sa mahahalagang demokratikong institusyon sa Pilipinas at ang mga miyembro nito ay inihalal ng taumbayan upang magsilbi sa bansa.

Dahil dito, sinabi niyang maaaring ikabahala ng ilang manonood ang mga biro na tila ginagawang magaan ang usapin ng posibleng pamamaril o banta sa loob ng naturang institusyon, lalo na sa panahon kung kailan nananatiling sensitibo para sa maraming Pilipino ang usapin ng karahasan at tensyong pampolitika.

Nilinaw naman ni Conlan na hindi isinulat ang liham bilang pag-atake kay Vice Ganda o sa kalayaan sa pagpapahayag at komedya. Aniya, layunin lamang nitong himukin ang mas maingat na pagtalakay sa mga paksang may kinalaman sa trauma, takot, at kaligtasan ng publiko.

Dagdag pa niya, may kakayahan ang katatawanan na pag-isahin ang mga tao, ngunit maaari rin umano nitong hindi sinasadyang maliitin ang mga karanasang itinuturing na seryoso at nakakatakot ng iba.

Nagtapos ang liham sa pag-asang matatanggap ang kaniyang pananaw sa maayos at magalang na paraan.

Bukod kay Conlan, ilan pa sa mga social media personality ang direktang sumita kay Vice Ganda, kabilang na si "Grace Locsin."

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Vice Ganda hinggil sa isyu.