Nasakote ng pulisya ang isang lalaking miyembro ng carnapping group matapos siyang mabangga habang tumatakas sa mga awtoridad.
Ayon sa mga ulat, nagtamo ng malaking bukol sa ulo ang suspek at iba pang galos sa katawan matapos ang kaniyang pagkakabangga.
Nadala naman siya sa ospital para sa kaniyang agarang gamutan at matapos umayos ang kalagayan ay nai-turnover din siya sa mga awtoridad.
Lumalabas sa imbestigasyon na naunang naaresto ng pulisya ang pinaghihinalaang kasabwat ng suspek sa isang organized carnapping group.
Ayon sa mga awtoridad, tila nagba-buy and sell ang mga suspek sa mga motor at iba pang sasakyan na kanilang ninanakaw.
Napag-alamang isang nakaw na motor ang kanilang ibinebenta at pinatutubos sa kanilang ka-transaksyon na lingid sa kaalaman nila ay ang mismong may-ari pala ng motor na ibinibenta nila.
Doon na raw nag-report ang biktima sa mga awtoridad at saka sila nagkasa ng entrapment operation.
Natimbog ng pulisya ang suspek na nagbebenta ng motorsiklo. Nang imbestigahan na siya ng mga awtoridad, doon na niya itinuro ang lalaking nakipaghabulan sa mga awtoridad hanggang sa nabangga sa poste.
Depensa ng dalawang suspek, taga-hanap lang umano sila ng buyer ng mga sasakyan at hindi sila ang mismong nagnanakaw sa mga ito.
Kasalukuyan na silang nasa kustodiya ng mga awtoridad na nahaharap sa kaukulang kaso.