Nagpahayag ng pagkabahala ang singer-actress na si Jessa Zaragoza kaugnay ng ipinatutupad na rotational power interruption o brownout sa Luzon grid sa gitna ng matinding init ng panahon.
Sa kaniyang social media post, ibinahagi ni Jessa ang kaniyang saloobin hinggil sa sunod-sunod na pagkawala ng kuryente na naranasan ng maraming residente, ayon sa pahayag ng Manila Electric Company o Meralco.
"So confirmed na ba na araw araw na talaga mamamatay ang kuryente natin sa ating mga tahanan??!" ani Jessa sa kaniyang Facebook post, noong Biyernes, Mayo 15.
"Rotational brownout ng Meralco. Hanggang kailan?! Kung kailan napaka sukdulan ng init ang panahon. Hay…"
Photo courtesy: Screenshot from Jessa Zaragoza (FB)
Umani ng samu't saring reaksiyon mula sa netizens ang naturang post, lalo na mula sa mga consumer na apektado rin ng rotational brownout sa Metro Manila at iba pang karatig-lalawigan.
Matatandaang batay sa pahayag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), isinailalim sa red at yellow alert ang Luzon grid dahil sa manipis na suplay ng kuryente bunsod ng forced outages at maintenance shutdown ng ilang power plant, kabilang ang ilang planta sa Bataan.
Dahil dito, kinailangan ang manual load dropping o rotational brownouts upang maiwasan ang mas malawakang pagkawala ng kuryente.
Ayon naman sa Meralco, milyon-milyong customer sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Batangas at iba pang bahagi ng Luzon ang naapektuhan ng power interruptions na tumagal ng dalawa hanggang tatlong oras.
Ipinaliwanag ng NGCP na tumataas ang demand sa kuryente dahil sa matinding init ng panahon, kasabay ng hindi operasyon ng ilang power plants, dahilan upang lumiit ang reserbang suplay ng kuryente sa Luzon grid.