Ipinaliwanag ng komedyante at aktor na si Joey Marquez ang pagkakaiba umano ng showbiz at politika.
Sa latest episode kasi ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, Mayo 15, naurirat si Joey kung may plano pa rin ba siyang bumalik sa puwesto.
“Will you ever go back to politics?” usisa ni Boy.
Pero anang aktor, “With the situation right now? Hindi. Ang pangit ng reputasyon ng politics ngayon, e. Kaya, I’d rather stay as a private citizen.”
Ayon kay Joey, mas mainam daw na huminto na sa politika at tumulong na lang sa maliit na paraang kaya niya.
Hindi na rin tuloy naiwasang maitanong kay Joey kung ano nga ba ang pagkakaiba ng politika sa showbiz, yamang kapuwa niya nasubukan ang dalawang mundong ito.
“I think, to me, it's the same. In showbiz, you're given a script to portray a person. In politics, you're given a law to do the right thing. The problem is, 'yong script gagawin mo, 'yong law bina-violate mo. And what's even more wrong, those who create laws are the ones who violate it,” saad ni Joey.
Dagdag pa niya, “Ang kagandahan sa showbiz, 'pag hindi ka magaling, puwede kang tanggalin. Sa politics, hindi. Minsan poprotektahan ka pa, e. “
Matatandaang nagsimulang magsilbi si Joey sa Parañaque City bilang acting Vice Mayor at kalaunan ay naging alkalde ng lungsod mula 1995 hanggang 2004.