Tila may pasaring ang showbiz insider na si Ogie Diaz kay presidential sister Sen. Imee Marcos na nakikita niyang "mukhang kalaban" na raw ng entertainment/showbiz vlog niyang "Ogie Diaz Showbiz Update," matapos nitong sabihing may nakaambang kaso mula sa Ombudsman at iba pang ahensya ng pamahalaan ang mga mambatatas na hindi papabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ibinahagi ni Ogie ang isang post ng netizen tungkol sa "versusan" nina Sen. Imee at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, matapos mag-react ng huli sa mga pasabog ng una.
Sa inilabas na vlog ni Sen. Imee kamakailan, sinabi niyang nabalitaan daw niyang kakasuhan daw sa nabanggit na opisina ang mga solon na hindi boboto ng "Yes" sa impeachment case ni VP Sara para makaakyat ito sa Senado.
Bukod daw sa Ombudsman, nakaamba rin umanong magkaso ang Department of Justice (DOJ) at Security Exchange Commission (SEC) sa mga solong ito.
"Sangkatutak na kaso ang uulan sa inyo kapag hindi kayo bumoto ng tuwid, nakakanerbiyos talaga, tama ba 'to?" saad ni Sen. Imee.
"Talagang may bribery na, may pananakot pa, ano ba itong nangyayari sa bansa natin?" saad pa ng senadora.
Sa nabanggit na post, mapapanood din ang video clip ng naging reaksiyon at tirada ni Castro tungkol dito.
"Kanino kaya galing itong script na 'to," saad ni Castro.
"Saan kaya galing ang kuwentong ito. Bakit lumalabas na parang chismis lang. Kasi gumagamit ng raw. Chismis 'di ba? Panira," dagdag pa ng press officer at Presidential Communications Office undersecretary.
Reaksiyon naman ni Ogie tungkol dito, "Mukhang may kalaban na ang 'Ogie Diaz Showbiz Update' sa katauhan ni Sen. Imee 'Marites' Marcos."
Nitong Lunes, Mayo 11, pagbobotohan ng mga miyembro ng Kamara ang impeachment laban kay VP Sara.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng senadora tungkol dito.