Ipinagtanggol ng actor-comedian na si Jerald Napoles ang misis niyang si Kim Molina mula sa pambabastos ng isang netizen.
Sa isang Facebook post kamakailan ni Kim, makikita ang screenshot ng isang komento na minention pa si Jerald para imungkahing anakan na nito ang asawa.
"Jerald Napoles, buntisin mo para mawala kembot hahahah," anang netizen. Kasalukuyan kasing ipinapaskil ng mag-asawa ang kanilang fitness journey.
Sagot naman ni Jerald, “[Pakigalang] 'yong asawa ko kung makautos ka ng buntisin walang respeto, e. Choice ng asawa ko kung kelan niya gusto. Her body, her choice."
Pinasalamatan naman ni Kim ang pagdepensa ni Jerald para sa kaniya.
Aniya, “Buti na lang nandyan ka, Jerald Napoles. Forever grateful for you.”
Ayon kay Kim, keber na raw naman talaga siya sa mga hanash at bash ng ibang tao laban sa kaniya.
Ngunit gusto niya lang umanong ibahagi ang ginawa ng kaniyang mister para ipakita sa publiko kung gaano kahalaga na may taong nagmamahal at sumusuporta sa mga desisyon binubuo para sa sarili.
“Kung hindi man from a partner, but also from parents, kapatid, o kaibigan. We need to respect each other’s wishes and personal goals,” saad ni Kim.
Matatandaang noong Marso 1 ikinasal sina Kim at Jerald sa pamamagitan ng isang beach wedding sa Amorita Resort, Panglao, Bohol.
Maki-Balita: Kim Molina at Jerald Napoles, ikinasal na; beach wedding sa Bohol, star-studded!