Binasag ng sexy actress na si Kim Domingo ang pananahimik niya kaugnay sa umaaligid na isyu tungkol sa kaniya.
Matatandaang ibinahagi kamakailan ng social media personality na si Xian Gaza ang video clip ni Kim kung saan mapapanood na kausap niya ang isang matabang lalaki habang magkahawak-kamay.
Hinala ng marami, kongresista mula sa Davao Occidental ang lalaki. Ilang araw matapos pumutok ang isyu, hinard-launch ni Kim sa mismong anibersaryo nila ang Thai boyfriend niya na tatlong taon na raw niyang karelasyon.
Umani tuloy ng samu’t saring reaksiyon mula sa mga netizen ang naturang post. Isa na nga rito ay ang tanong na bakit ngayon lang niya isinapubliko ang jowa niya kung kailan nagkaroon siya ng isyu.
“Siguro naging lesson na din sakin ang past relationship ko na isinapubliko ko noon ngunit hindi naging maganda ang kinalabasan,” saad ni Kim sa kaniyang Facebook post noong Sabado, Mayo 9.
Dagdag pa niya, “Nasira ang kanya kanya naming buhay. Iskandalo dito, iskandalo doon. At yun ang iniiwasan ko ng maulit.”
Ayon sa aktres, Thailand umano ang nagsilbi niyang pangalawan taon noong mga nakalipas na taon.
Aniya, “Kahit may trabaho ako, lumilipad ako doon para makahinga. Doon ko nahanap ang peace and safety na hindi ko mahanap hanap dito sa pilipinas. Doon simpleng tao lamang ako.”
Sa loob ng tatlong taon, iningatan ni Kim at ng Thai boyfriend niya ang kanilang relasyon sa tahimik na paraan.
Ngunit nang lumabas umano ang balita tungkol sa lalaking na-link sa kaniya, napilitan si Kim na isapubliko ang relasyon nila bilang respeto rito sa at pamilya nito.