Isang malaking buwaya ang nahuli at isinailalim sa euthanasia sa South Africa matapos itong pinaghinalaang umatake sa isang nawawalang lalaki sa bahagi ng Komati River.
Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad, makikita sa viral video ang pag-airlift ng helicopter sa patay na buwaya kasama ang isang police diver na tumulong sa pagkuha nito mula sa ilog na kilala sa dami ng mga buwaya.
Ayon sa South African Police Service, ilang araw nilang minanmanan ang naturang buwaya matapos mapansin na hindi ito gumagalaw tulad ng ibang buwaya sa lugar.
Lumabas sa imbestigasyon na nawawala ang isang 59-anyos na negosyante matapos tangayin ng baha habang sinusubukang tumawid sa isang mababang tulay malapit sa ilog.
Kalaunan ay nakita ang kaniyang sasakyan na naipit sa rumaragasang tubig.
Dahil sa hinalang may kinalaman ang buwaya sa pagkawala ng lalaki, pinayagan ng mga awtoridad na patayin ito para maisailalim sa pagsusuri.
Sa isinagawang paghiwa sa hayop, natagpuan sa tiyan nito ang ilang bahagi ng katawan ng tao.
Ayon sa pulisya, isasailalim sa DNA testing ang mga nakuhang body parts upang makumpirma kung ito nga ang nawawalang negosyante.
Patuloy rin ang imbestigasyon sa insidente habang sinusuri pa ng mga forensic expert ang iba pang ebidensya.
Batay sa ulat ng mga international media, naging delikado ang retrieval operation dahil sa malalakas na agos ng tubig at sa dami ng buwaya sa lugar.
Kinilala rin ang police diver na si Captain Johan “Pottie” Potgieter matapos siyang ibaba mula sa helicopter upang itali at maiahon ang naturang reptilya mula sa ilog.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng mga labing narekober sa bituka ng buwaya.