Pormal nang nagpaalam ang radio personality na si DJ Chris sa Home Radio 97.9 matapos ipatupad ng bagong pamunuan ng estasyon ang pagbabago sa kanilang programming format.
Sa isang liham na ibinahagi noong Mayo 4 sa kaniyang social media page, ipinaliwanag ni DJ Chris na ang estasyon ay lumipat na sa all-music format, na nangangahulugang wala na umanong mga live DJ sa ere. Dahil dito, naapektuhan ang kaniyang programa at tuluyang nagtapos ang kaniyang pananatili sa naturang estasyon.
Ayon sa kaniya, hindi naging madali ang desisyon lalo na’t naging bahagi ng kaniyang araw-araw ang pakikipag-ugnayan sa mga tagapakinig at mga kasamahan sa trabaho.
Ibinahagi rin niya ang kaniyang pasasalamat sa suportang ibinigay sa kaniya sa kabila ng maikling panahon ng kanilang pagsasama sa programa.
"Under new management, nag-implement na po ang station ng all-music format. Ibig sabihin, wala na pong mga live DJs sa ere," aniya.
"Siyempre, malungkot ako na nangyari ito. Naging malaking bahagi na kayo ng araw-araw ko at mami-miss ko ang ating samahan."
"Sobrang na-appreciate ko ang oras at suporta na ibinigay ninyo sa ating show—kahit na naging maikli lang ang panahon na magkasama tayo, it was all worth it," paliwanag pa niya.
Nilinaw rin ng radio personality na sa kasalukuyan ay wala pa siyang lilipatang radio station, ngunit tiniyak niyang ipapaalam niya sa publiko ang kaniyang mga susunod na hakbang sa pamamagitan ng kaniyang social media page.
Sa kabila ng kaniyang pag-alis, hinikayat pa rin niya ang kaniyang mga tagasuporta na patuloy na tangkilikin ang bagong format ng estasyon kahit wala na siya sa ere.
Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa pagkakataong naging bahagi siya ng Home Radio, na aniya’y isang malaking karangalan sa kaniyang karera bilang DJ.
Ang pagbabago sa format ng ilang radio stations ay bahagi ng patuloy na pag-angkop ng industriya sa nagbabagong panlasa ng mga tagapakinig at sa kompetisyon sa digital platforms, na nagdudulot ng iba’t ibang epekto sa mga personalidad sa radyo tulad ni DJ Chris.