May 21, 2026

Home SHOWBIZ

Dimples Romana sa biniling personal car: 'Katas ng blood, sweat and tears. Walang nakaw!'

Dimples Romana sa biniling personal car: 'Katas ng blood, sweat and tears. Walang nakaw!'
Photo courtesy: Dimples Romana (IG)

Nagbahagi ng isang personal at makabuluhang milestone ang aktres at Tv host na si Dimples Romana matapos niyang ipaalam sa publiko na nakabili na siya ng sarili niyang personal car—isang two-seater red car—bilang bunga ng kaniyang pinaghirapan sa loob ng mahigit tatlumpung taon sa industriya.

Sa kaniyang social media post, pabirong sinabi ng aktres na hindi muna maleta ang kasama niyang maglalakbay sa pagkakataong ito kundi ang kaniyang bagong sasakyan. Inihirit pa niya kung tatawagin ba itong “Daniela” o “Dani Girl,” mula sa iconic role niya sa seryeng "Kadenang Ginto."

Ayon kay Romana, ang pagbili ng sasakyan ay bunga ng kaniyang “blood, sweat and tears,” at mariin niyang iginiit na ito ay pinaghirapan at walang halong anumang iregularidad.

"Katas ng blood, sweat and tears. (Literal). Walang nakaw. Pinaghirapan, pinagtrabahuhan. Masarap ipagmalaki," aniya.

Nagpasalamat din siya sa kaniyang mga mahal sa buhay, lalo na sa asawa at mga anak, na naging bahagi ng kaniyang journey patungo sa nasabing tagumpay.

Tsika at Intriga

Andrea Del Rosario, nagbiro sa mga may pic kasama si Bato: 'Lahat kayo for questioning daw!'

Ibinahagi rin ng aktres na ngayon lamang siya nakaramdam ng ganap na kaluwagan sa pagbili ng bagay para sa sarili, lalo na’t ang kaniyang unica hija ay nakapagtapos na at mayroon nang trabaho. Aniya, bilang isang breadwinner, hindi naging madali ang unahin ang sariling kagustuhan noon.

Dagdag pa niya, plano niyang gamitin ang bagong sasakyan upang makasama at makapag-bonding sa kaniyang pamilya at mga malalapit na kaibigan.

Sa huli, nagbigay-inspirasyon si Romana sa kaniyang mga tagahanga, na ang mga pangarap ay makakamit sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at pananatiling tapat sa sarili.

“Dreams do come true, if only we work hard enough, be patient enough and best done with our integrity kept intact,” aniya.

Samantala, humingi rin ang aktres ng rekomendasyon mula sa kaniyang followers kung saan niya maaaring dalhin ang kaniyang bagong sasakyan para sa mga susunod na biyahe.