Ipinagtanggol ni showbiz news presenter Jervi “KaladKaren” Wrightson ang Pinoy drag queen na si Marina Summers mula sa pambabatikos ng ilan sa hosting style nito sa katatapos lang na Miss Universe Philippines 2026.
Sa latest Facebook post ni KaladKaren noong Sabado, Mayo 2, sinabi niyang anoman ang sabihin ng marami tungkol kay Marina, sapat na umano na ang isang transwoman na tuald nito ay nasa entablado para magsilbing host ng pinakamalaking beauty pageant sa Pilipinas.
“You can say whatever you want about Marina’s hosting, but the fact that she’s there on stage… A trans woman hosting the biggest beauty pageant in the country speaks volumes,” saad ni KaladKaren.
Walang partikular na taong pinatutungkulan ang showbiz news presenter sa kaniyang Facebook post. Ngunit isa sa mga umokray sa hosting style ni Marina ay ang kapuwa nito drag artist na si Angel Galang.
Sa buradong Facebook post umano ni Angel noon ding Sabado, sinabi niyang binagot umano ni Marina ang naturang pageant.
Ani Angel, “Binagot mo ang #MUPH. Totoong buhay lang.”
Sinita naman ng Drag Fans Philippines ang inasta ni Angel. Hiningan nila ng pananagutan ang huli sa ginawa nito.
“The fans, especially Marina, who recently shared a stage with you, did not deserve this kind of disrespectful remarks and is out of line with the values of a community meant to foster safe spaces and mutual respect,” pahayag ng Drag Fans Philippins sa kanilang X account.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon si Angel kaugnay sa isyu.